Humihirit ng dagdag-singil sa Toll Regulatory Board (TRB) ang pamunuan ng North Luzon Expressway o NLEX.

Dagdag bente siyete sentimos (P0.27) kada kilometro sa closed system o mula Bocaue, Bulacan hanggang Dau o Sta. Ines sa Pampanga ang hiling ng NLEX sa TRB.

Ayon sa Manila North Tollways Corporation (MNTC), gusto nilang bawiin ang P2.9 bilyon na gastos sa pagpapagawa ng lagpas 50 kilometrong bagong linya mula Santa Rita hanggang San Fernando pabalik.

Sa sandaling aprubahan, magiging P238 na ang toll fee mula Bocaue hanggang Dau o Sta. Ines mula sa dating P218.

Pero sagot ng TRB, daraan sa proseso ang hirit na dagdag toll sa NLEx.

Walang pinagbigyan sa mga hirit na dagdag toll sa NLEx mula 2013, 2015 at 2017.

Pero paliwanag ng MNTC, kahit dinala na nila sa arbitration ang usapin, tinatapos pa rin nila ang mga naipangakong proyekto.

Sa kasong ito, aprubado umano ng TRB ang mga proyekto kaya kampante ang pamunuan ng NLEx na maipapatupad agad ang tinatawag nilang ‘add on adjustment’.

Wala pang naka-schedule na hearing sa pinakahuling hirit na dagdag toll sa NLEX.