ANG laki ng pasasa­lamat ng magkasinta­hang Tom Rodriguez at Carla Abellana, pati ang buong staff ng bagong programa nilang I Heart Davao na natapos na silang mag-taping sa Davao bago pumutok ang gulo sa Marawi City at nagdeklara ng Martial law sa buong Mindanao.

Araw ng Sabado sila nakabalik ng Maynila mula sa mahigit dalawang linggong taping sa Davao.

Pagkalipas ng dalawang araw, nangyari na ang gulo sa Marawi at kaagad nag-Martial law roon.

Hindi nila alam kung matutuloy ba sila ng ta­ping kung meron nang Martial law roon.

Pero kuwento ng ilang staff nitong bagong series nina Tom at Carla, nu’ng nasa Davao sila, may ilang driver roon na nagkukuwento sa kanila na medyo nagkakahigpitan na.

May natunugan silang magkakaroon ng malaking gulo sa ilang bahagi ng Mindanao. Hindi lang nila alam na sa Marawi pala ito magaganap.

Dito na sila natu­loy mag-taping at mukhang malabo na silang makapag-taping uli sa Davao.

Excited si Tom sa bagong serye nila ni Carla dahil ibang-iba ang role na ginampanan niya rito.

Alam niyang matutuwa ang followers nila sa bago nilang project.

Kung si Tom ang tatanungin, si Carla na ang gusto niyang makasama.

Pagdating sa planong­ kasalan, ayaw muna niyang i-share sa amin, pero totoong napapag-usapan na at may plano.

Medyo nabago ang plano dahil sa pagpanaw ng kanyang ama.

“Sa amin na lang muna ‘yun,” natatawa niyang sagot sa amin.

“Siyempre, nasa plano, kaya nga kumakayod.

“There’s nothing else na eh. Hindi naman kami nagsasayang lang ng oras sa isa’t isa. I would like to think na this is it,” seryosong pahayag ng Kapuso actor.

Natutuwa siya dahil habang tumatagal ang relasyon nila ni Carla, nakikita niyang lalo itong gumaganda.

Ganu’n daw yata kapag lalong gumaganda ang tingin mo sa isang tao, lalo mo siyang minahal.

“Habang tumatagal, lalong tumitibay eh,” deskripsyon nito sa relasyon nila.

“It’s great to have a partner talaga. Someone that I really consider my partner, who’s not only supportive especially with this toughest challenge in my life, with what happened with our family, my dad.

“I’d like to think that she was the instrumental in me getting gain to all of that.”

Kaya ang pinagsusumikapan niya ngayon ay para sa future nila ni Carla.