Tomboy handang pumatay sa ngalan ng pag-ibig

Nang magdaos ng kanilang ika-dalawang taong anibersaryo ng pagsasama bilang magka-live in sina Emily at Liezl noong Setyembre ng nagdaang taon, tulad ng dati ay kasama rin nila sa munting okasyon sina Gerald at Joy at muli ay sa bahay pa ng dalawa ginawa ang pag-iinuman.

Habang lumalaon, napapansin na ni Emily ang kakaibang kislap sa mata ni Liezl sa tuwing kainuman nila si Gerald na hindi naman niya kaagad binig­yan ng malisya lalu na’t hindi naman nagbabago ang pagtingin sa kanya ng kinakasama.
May ilang pagkakataon din na nalalaman na lamang ni Emily na pinagkakalooban ni Gerald ng mumunting bagay ang kinakasama bagama’t itinu­ring lang niya itong isang paraan ng kanilang pagkakaibigan.

Biyernes ng gabi noong Pebrero 8 ng kasalukuyang taon, muling nag-inuman sa loob ng bahay nina Emily at Liezl ang apat na magkakaibigan at dito ay muling napuna ni Liezl ang kakaibang kislap sa mga mata ng kinakasama sa tuwing magkukuwento ng katatawanan si Gerald.

Sa naturan ding inuman, sinabihan ni Gerald si Liezl na isosoli na niya ang hiniram na alagang rabbit sa kaibigan pagkatapos nilang mag-inuman.

Hatinggabi na nang matapos ang apat sa kanilang pag-iinuman kaya’t nagpasiya nang umuwi sa kani-kanilang bahay sina Joy at Gerald habang pumasok na rin sa kanilang silid-tulugan ang magka-live in upang matulog lalu na’t may pasok pa sila sa trabaho kinabukasan.

Dakong alas-1:55 ng madaling-araw, Pebrero 9, nang maalimpungatan si Emily sa pagtulog at napuna niya na wala sa kanyang tabi si Liezl.

May kakaibang kaba sa dibdib si Emily bagama’t iwinaksi niya ito at ipinasiyang alamin kung nasa banyo lang ang ka-live in subalit nang hindi niya makita sa loob ng kanilang bahay, ipinasya niyang lumabas upang hanapin ang kinakasama.

Malapit lamang ang lugar na pinagta-trabahuhan ni Gerald at sa hindi maipaliwanag na damda­min, dito dinala ng kanyang mga paa si Emily at laking gulat niya nang makita ang lalaki habang nakayap sa kanyang kinakasama.
Sinabi ni Emily sa TUGIS na kaagad niyang nilapitan ang dalawa at sa halip na magulat sa kanyang pagdating, sinabihan pa umano siya ni Gerald na aagawin na niya si Emily sa kanyang piling.

Idinagdag pa ni Emily na tinangka umano siyang bugbugin ni Gerald kaya’t nang makahagilap siya ng patalim ay inundayan niya ng sunod-sunod na saksak ang lalaki na nagawa pang makatakbo sa kabila ng tinamong sugat.

Dagdag pa ni Emily, may namumuo nang hinala sa kanya na may relasyong namamagitan sa dalawa dahil nahuhuli niya ang madalas na palitan ng mensahe ng mga ito sa pamamagitan ng text.

May ilang kakilala rin aniya siya na nagsabi na nakikita nila ang dalawa habang magka-akbay na magkasama bukod pa sa nahuhuli rin niya na tumatabi si Liezl kay Gerald kapag nauna na siyang bumitiw sa kanilang inuman.

Sa pahayag naman ni Liezl kina SPO2 Joselito Bagting at PO2 Phillip Cesar Apostol ng Homicide Section ng Malabon police, pinuntahan aniya niya si Gerald sa gate ng Eon Bulk Handling Services matapos ang kanilang pag-iinuman upang kunin ang ­alaga niyang rabbit.