Bata pa lamang si Emily nang maghinala na ang kanyang mga magulang at kapatid sa posibleng kahihinatnan ng kanyang kasarian dahil sa kanyang mga kilos, pakiki­paglaro at pakikisalamuha sa mga batang lalaki.

Hindi rin maiwasan ni Emily na gayahin ang kilos at pananamit ng mga lalaki kaya’t kahit hadlang ang kanyang mga magulang at kapatid sa kanyang mga ikinikilos, kalaunan ay tinanggap na rin nila ang pagkakaroon nito ng pusong lalaki.

Menor de edad pa lamang si Emily nang makaramdam na siya ng kakaibang pagtingin sa kapareho niyang kasa­rian bagama’t pinipilit niyang sikilin ang nararamdaman lalo na sa mga nagiging malapit niyang kaibigan at ka-klase sa pinapasukang paaralan.

Gayunman, nang magdaos ng kanyang ika-17-taong gulang noong taong 2006, hindi na rin kinaya ni Emily na pigilin ang sarili para magmahal sa isang kapuwa niya babae lalu na nang makilala niya ang kababayang si Riza Castro.

Kakaibang damdamin ang lumukob kay Emily lalo na kapag nakakasama at nakaka-kuwentuhan niya si Riza hanggang ipasya niyang subukang mamintuho sa kababata, tulad ng panliligaw na ginagawa ng mga kalalakihan.

Noong una’y hindi binigyang pansin ni Riza ang mga palipad-hangin ni Emily sa pag-aakalang binibiro lamang siya ng kaibigang tomboy lalo na’t wala pa naman sa isip niya ang magpaligaw, lalu na sa kapareha niya ang kasarian.

Gayunman, habang tumatagal ay nararamdaman ni Riza ang labis na pagkalinga at pagkakaloob ni Emily sa kanya ng kahit anong maliliit lang namang mga bagay na sa hindi niya malamang kadahilanan ay labis niyang ikinatutuwa.

Inisip na lamang ni Riza na marahil ay sad­yang masayang kasama at kakuwentuhan bilang kaibigan si Emily kaya’t hindi niya magawang hadlangan ang mga ipinahihiwatig ng tomboy na kakaibang pagtingin dahil nararamdaman naman niya na masaya siya kapag kasama ang kaibigan.

Habang lumalaon, lumalalim nang husto ang pagkakaibigan ng dalawa hanggang mamalayan na lamang ni Riza na tinutugunan na rin niya ang kakaibang pagkalinga sa kanya ni Emily, pati na ang pag-aalala nito sa kanya.

Kadalasan ay si Riza pa ang pumipigil kay Emily na huwag muna silang umuwi kapag magkasama silang namamas­yal, na pinagbibigyan naman ng tomboy lalo na’t gusto naman talaga niya na makapiling ng matagal ang babaing minamahal.

Nang unang patiki­min ni Emily ng mahigpit na yakap at paghalik sa pisngi at batok ng dalaga, hindi nagawa ni Riza na pumalag o ma­galit sa kaibigan, bagkus ay kakaibang damdamin pa nga ang lumukob sa kanyang pagkababae na tila hinihintay pang ulit-ulitin ng kaibigan ang ginagawa.

Dito na napagtanto ni Emily na may pagtingin na rin sa kanya si Riza bagama’t hindi niya kaagad binigla ang dalaga sa pangambang baka sinusubukan lamang ng kaibigan na maramdaman ang kakaibang karanasan.