Hindi naman nabigo ang dalawa at kahit ordinaryong obrero lamang sa maliit na pabrika sa kanilang lalawigan ay pinasok ng magka-live in upang patunayan sa mga tumutuligsa at pumupuna sa kanilang relasyon na magi­ging matatag ang kanilang pagsasama.

Sa mga unang buwan ng pagsasama bilang magka-live in nina Riza at Emily, hindi nabawasan ang kanilang matamis na pagtitinginan, bagkus ay lalu pang lumalim ang kanilang pagmamahalan, patunay ang pananabik lagi sa isa’t isa.

Ginawa talaga ni Emily ang lahat upang patunayang karapat-dapat siya sa pagmamahal ni Riza at kahit hindi niya kayang ipagkaloob sa minamahal ang pangangailangang seksuwal na ibinibigay ng isang lalaki sa kanyang ka-partner, may kakaiba naman siyang pamamaraan upang mabigyan ng sapat na kasiyahan ang pangangailangan ng dalaga.

Dinaig pa ni Emily ang isang tunay na lalaki sa pagkakaloob ng kakaibang uri ng pagmamahal kay Riza kaya’t sa kabila ng magkapareho nilang kasarian, hindi sumagi sa isipan ng dalaga ang maghanap pa ng kakaibang karanasan sa piling ng isang lalaki.

Hindi naman nakaila sa mga kaanak ni Riza ang kasiyahan at kapanatagan ng kalooban ng dalaga sa piling ni Emily sa matagal na rin nilang pagsasama kaya’t kalaunan ay hindi na rin nila sinaklawan ang kagustuhan ng babae at sa halip ay tinanggap na ang kanyang naging kapalaran.

Nang kapuwa sumapit na sa tamang edad sina Riza at Emily, lalu pang tumingkad ang kanilang pagmamahalan at hindi maikakaila na ang mga dating pumupuna at bumabatikos sa kanilang relasyon ay unti-unti na ring humahanga sa tagal ng kanilang pagsasama.

Ilan sa mga kaibigan ni Riza ang nagtatanong na rin sa kanya kung ano ang sikreto nilang dalawa ni Emily bakit nila napapanatili ang kapuwa pagkakaloob ng wagas na pagmamahalan sa isa’t isa kabila ng paglipas ng mahigit na sa limang taon.