Bago sumapit ang taong 2015, dito na nasubok ang katatagan ng pagsasama nina Riza at Emily dahil isang lalaki na hindi na pinangalanan ni Emily nang makapanayam ng TUGIS ang nag-alok ng pagmamahal sa dalaga.
Bagama’t hindi naman tinugunan ni Riza ang iniaalok na pag-ibig ng lalaki, inilihim naman niya ito kay Emily sa pangambang magkaroon pa ng pagdududa ang ka-live in sa matatag nilang pagsasama.
Ang paglilihim ni Riza sa kinakasama hinggil sa patuloy na pamimintuho ng lalaki ang naging daan upang magkaroon ng pag-asa ang huli sa paniwalang kaya ito inilihim ng dalaga ay upang maipagpatuloy ang kanyang panliligaw.
Dahil dito’y lalu pang naging masigasig ang binata na i-alok ang tapat na pagmamahal kay Riza at kahit palihim ang ginagawang panliligaw ay naipapamalas pa rin niya ang seryosong pagmamahal at kahandaang ipagkaloob ang kanyang pangalan sa dalaga.
Kahit batid ni Riza na mahal talaga niya si Emily, patunay ang pagkakaloob sa tomboy ng buo niyang pagkatao, may kakaibang haplos ang bumabalot sa kanyang puso at isipan kapag naririnig niya ang mga binibitiwang pananalita ng binata.
Habang lumalaon, nagiging matamlay ang pagtingin ni Riza sa ka-live in matapos maramdaman na pinananabikan na rin niyang marinig ang mga binibitiwang kataga sa kanya ng binata at pangako ng habambuhay na pagmamahal.
Bagama’t noon pa man ay naririnig rin niya ang mga katagang iyon sa bibig ni Emily at nadarama rin ang katotohanan sa sinasabi at ipinapangako sa kanya ng tomboy, kakaibang damdamin ang lumulukob ngayon sa kanyang pagkatao kapag ang binatang manliligaw na ang nagsasabi nito sa kanya.
Kalaunan ay nahalata na rin ni Emily ang hindi na pagtugon ng dalaga sa kanyang mga yakap at halik bagama’t hindi naman niya magawang magalit sa pangambang pagsimulan lamang ito ng kanilang hindi pagkakaunawaan.
Habang tumatagal, nararamdaman na rin ni Riza na mas matimbang na ang kasiyahan niyang nadarama kapag kausap at kasama ang binatang manliligaw hanggang matuklasan na lamang niya na may pagtingin na rin siya sa lalaki.
Nang sagutin ni Riza ang idinudulog na pag-ibig ng binata, nakiusap muna siya na ilihim muna ang kanilang relasyon hangga’t hindi pa siya nakakakuha ng tamang tiyempo upang sabihin ito kay Emily na sinang-ayunan naman ng kasintahan.
Nang alukin na ng kasal ng binata si Riza, dito na siya nagkaroon ng lakas ng loob upang kausapin nang masinsinan ang tomboy at ipagtapat ang panibagong pag-ibig na inialok sa kanya ng binata.
Sa una ay labis na nasaktan si Emily sa paniwalang natraydor siya ng dalawa subalit nang ipaliwanag sa kanya ni Riza na pinilit niyang iwaksi ang iniaalok na pag-ibig ng binata dahil nakatali na ang kanyang puso sa kinakasama, lumambot ang damdamin ng tomboy lalo na’t hindi naman matatawaran ang napakatagal na panahong pagsasama nila.