Ipinaliwanag pa ni Riza na nagkataon ­lamang aniya na hindi talaga natuturuan ang puso at kusa ng tumibok muli ito sa tawag ng pa­nibagong pag-ibig kahit pa nga umabot na ng siyam na taon ang pagsasama nila ni Emily.

Dahil maayos ang ginawang pagpapaalam ni Riza sa ka-live in, ipinagkaloob na rin niya sa dalaga ang kalayaan nito kasabay ng hangarin na sana’y maging maligaya ang dalaga sa piling ng binata.

Nang ipakilala ni Riza sa ka-live in ang lala­king nagpatibok muli sa kanyang puso, mistulang pinagsakluban ng langit at lupa si Emily bagama’t pinigil niyang ibulalas ang nararamdaman lalu na’t nakita niya sa mata ng lalaki ang kaseryosohang ipagkaloob ang sarili sa kanyang minamahal.

Katuwiran na lamang ni Emily na isang paraan din ng pagkakaloob ng wagas na pagmamahal ang pagsasakripisyo at pagpapakasakit sa ngalan ng minamahal lalu na’t nasasalamin niya sa mata ng ka-live in ang kakaibang kasiyahan nang ibigay niya ang basbas sa dalawang nagmamahalan.

Mula nang lumisan sa kanyang piling si Riza matapos tanggapin ang alok na pag-iisang dibdib ng binata, naging matamlay na ang pana­naw ni Emily sa buhay at natuto na rin siyang uminom ng alak upang lunurin ang labis na kalungkutang lumulukob sa kanyang pagkatao bunga ng pagkasawi sa pag-ibig.

Kahit pa sabihing may pusong lalaki si Emily, hindi niya maiwasan ang humagulgol sa tuwing uuwi na siya sa bahay na siyam na taon ding nilang naging pugad ng kanilang pagmamahalan ni Riza.

Upang tuluyang malimutan ang dating kalive in at makapagsimula muli ng panibagong buhay, ipinasya ni Emily na tumugon sa payo ng kanyang nakatatandang kapatid na lumuwas ng Maynila at hanapin ang bagong kapalaran sa lungsod.

Pansamantalang nanuluyan muna si Emily sa bahay na tinitirhan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Renato, 35, at asawa nito sa Phase 8, Barangay 176 Bagong Silang, Caloocan city hangga’t hindi pa siya nakakahanap ng trabaho.

Pumayag naman ang asawa ni Renato na sa kanila muna tumuloy pansamantala si Emily lalu na’t hindi rin naman lingid sa kaalaman nito ang kalungkutang bumabalot pa sa pagkatao ng hipag dulot ng paglisan ng kanyang ka-live in.

Handa rin ang mag-asawa na tulungang makahanap ng trabaho si Emily upang muling mapasimulan ang pagtahak niya sa panibagong buhay at malimutan nang tuluyan ang kanyang malungkot na nakalipas.

Hindi naman nagtagal ay nakahanap din ng trabaho si Emily bilang all around worker sa Yuseco Company, isang pabrika na gumagawa ng bote ng plastic sa lungsod ng Malabon kaya’t sa naturang lungsod na rin siya humanap ng mauupahang silid na kanyang matitirhan.

Madaling natutuhan ni Emily ang halos lahat ng uri ng trabaho sa kompanya dahil isinubsob niya nang husto ang sarili sa pagta-trabaho bilang isa na ring paraan ng paglimot sa sinapit niyang pamimighati sa kinahinatnan ng kanyang pag-ibig.

Nang maging kaibigan ni Emily ang kasamahan niya sa trabaho na si Joy Magnaye na tulad niya ay isa ring tomboy, kahit paano’y nabawasan ang kanyang nararamdamang kalungkutan lalu na’t masayang kasama at kakuwentuhan ang kaibigan.

Paminsan-minsan ay niyayakag din siya ni Joy na mag-inuman na kanya namang pinagbibigyan kaya’t lalung lumalim ang kanilang pagkakaibigan na nakabuti naman upang hindi na sumagi sa isipan niya si Riza.

Lalu pang nagkaroon ng panibagong kulay ang mundo ni Emily nang ipakilala ni Joy kay Emily ang isa pa nilang kasamahan sa trabaho na si Liezl Marcos, ang 28-anyos na dalagang ina na tubong Masbate.

Tulad ni Emily, hindi rin naging maganda ang resulta ng kasaysayan ng pag-ibig ni Liezl bagama’t tulad niya ay pinipilit nitong mabuhay ng normal at kalimutan ang madilim na nakaraan sa piling ng lalaking kanyang naging karelasyon.

Sa unang pagkikilala pa lamang nina Liezl at Emily, nakaramdam na ng kakaibang tibok ng dibdib ang huli na tulad ng maramdaman niya nang maging magkaibigan sila ng kababayang si Riza.

Hindi naman naging mailap si Liezl sa bagong kaibigan lalu na’t malapit din naman siya kay Joy kaya’t hindi na nahirapan si Emily na makisalamuha kapag nagkakayayaang uminom ng alak ang dalawa.

Habang lumalaon, lumalalim ang pagkakaibigan nina Emily at Liezl hanggang maramdaman na lamang ng una na may kakaibang uri na damdamin ang lumulukob sa kanya sa tuwing magkasama sila ng kaibigan.

Sa pakiwari ni Emily, ganito rin ang naramdaman niya nang umibig siya ng tapat kay Riza bagama’t bukod sa magkaiba ng kaanyuan at pag-uugali ang dalawang babaeng naging malapit sa kanya, iisa lamang ang itinutulak ng kanyang puso at isipan sa mga ito.

Natiyak ni Emily na bukas na muli ang kanyang puso sa tawag ng pag-ibig dahil hindi na sumasagi sa kanyang isipan ang mapait na karanasan sa naging kalive-in kundi ang nararamdaman niya ay panibagong tibok ng puso para sa bagong minamahal.

Lahat ng alam niyang paraan ng pagsuyo at pamimintuho sa bagong babaeng nagpatibok sa kanyang puso ay ginawa ni Emily, kabilang na ang pagkakaloob ng kahit mumunting materyal na bagay na batid niyang ikaliligaya ni Liezl ay kanyang ginagawa.

Nang malaman naman ng nakatatandang kapatid ni Emily na si Renato ang muling panliligaw ni Emily sa kasamahan sa trabaho, nakaramdam siya kasiyahan sa paniwalang tuluyan ng malilimutan ng kanyang kapatid ang siyam na taong kaligayahan sa piling ng dating kalive-in.

Hindi tulad noon na tutol siya sa pakikipag-relasyon ng nakababatang kapatid sa kapuwa niya babae, ngayon ay mas napanatag pa ang loob ni Renato dahil batid niyang magkakakulay na muli ang mundo ng nakababatang kapatid kung sakali at tugunan ni Liezl ang idinudulog na pagmamahal sa kanya ni Emily.

Ilang buwan pa ang lumipas nang makaramdam ng kapanatagan ng loob si Renato nang malaman niyang sinagot na rin ni Liezl ang pamimintuho sa kanya ni Emily at minsan ay isinama pa ng kanyang nakababatang kapatid ang bagong kasintahan sa kanyang bahay sa Bagong Silang.

Sinabi pa ni Emily sa TUGIS na mula ng maging “dyowa” niya si Liezl, naging makulay na muli ang kanyang mundo kaya’t ginawa niya rin ang lahat ng paraan upang maging masaya sa kanyang piling si Liezl.

Dahil kapuwa nagmamahal sa isa’t-isa, nagpasiya sina Emily at Liezl na manirahan na sa iisang bubong sa 121 Gardenville, Brgy. Panghulo, Malabon city upang doon namnamin ang tamis ng kanilang pagmamahalan.

Kahit na nagsasama na bilang magkalive-in, hindi rin naalis ang pagkakaibigan nina Emily at Joy lalu na’t bago pa man niya makilala ang dalawa ay una na silang naging magkaibigan.

Madalas ay niyayakag pa ni Liezl si Joy sa kanilang tirahan ni Emily upang doon sila mag-inuman na hindi naman tinututulan ng huli lalu na’t ilang metro rin lang ang layo ng bahay ng kanilang tomboy ding kaibigan sa kanilang tinutuluyan.

Nang minsang mag-yakag na muli si Joy na mag-inuman sila ng kaibigan, ipinasiya ni Emily na sa bahay na lamang nila sila uminom ng alak upang makasama rin nila si Liezl na inayunan naman ng una.

Gayunman, nang dumating si Joy, may kasama siyang isa ring kaibigang lalaki, na naninirahan din sa Gardenville, Brgy. Panghulo na siyang may bitbit na alak na kanilang iinumin.

Ipinakilala ni Joy kay Emily at Liezl si Gerald Nungay, ang 28-anyos na helper at construction worker na nagta-trabaho sa Eon Bulk Handling Services na isang kompanyang malapit lamang sa tinitirhan ng magkalive-in sa Brgy Panghulo.

Masayang kakuwentuhan si Gerald kaya’t naging palagay kaagad ang loob ng magkalive-in sa lalaki lalu na’t hindi naman ito nagiging pabigat sa kanilang pag-iinuman dahil siya pa nga ang madalas magdala ng inumin at pulutan.

Mula noon ay napapadalas na ang pagkikita ng apat na magkakaibigan at kadalasan ay sa bahay pa nina Emily at Liezl ginaganap ang kanilang pag-iinuman.

Bihira namang tumagal sa inuman si Emily dahil bukod sa hindi naman talaga siya sanay na uminom ng maraming alak, iniisip din niya ang trabaho sa pabrikang pinapasukan kinabukasan kaya’t hindi siya nagpapakalango.

Nang magdaos ng kanilang ika-dalawang taong anibersaryo ng pagsasama bilang magkalive-in sina Emily at Liezl noong Setyembre ng nagdaang taon, tulad ng dati ay kasama rin nila sa munting okasyon sina Gerald at Joy at muli ay sa bahay pa ng dalawa ginawa ang pag-iinman.

Habang lumalaon, napapansin na ni Emily ang kakaibang kislap sa mata ni Liezl sa tuwing kainuman nila si Gerald na hindi naman niya kaagad binigyan ng malisya lalu na’t hindi naman nagbabago ang pagtingin sa kanya ng kinakasama.

May ilang pagkakataon din na nalalaman na lamang ni Emily na pinagkakalooban ni Gerald ng mumunting bagay ang kinakasama bagama’t itinuring lang niya itong isang paraan ng kanilang pagkakaibigan.

Biyernes ng gabi noong Pebrero 8 ng kasalukuyang taon, muling nag-inuman sa loob ng bahay nina Emily at Liezl ang apat na magkakaibigan at dito ay muling napuna ni Liezl ang kakaibang kislap sa mga mata ng kinakasama sa tuwing magkukuwento ng katatawanan si Gerald.

Sa naturan ding inuman sinabihan ni Gerald si Liezl na isosoli na niya ang hiniram na alagang rabbit sa kaibigan pagkatapos nilang mag-inuman.

Hatinggabi na nang matapos ang apat sa kanilang pag-iinuman kaya’t nagpasiya ng umuwi sa kani-kanilang bahay sina Joy at Gerald habang pumasok na rin sa kanilang silid-tulugan ang magka-live in upang matulog lalu na’t may pasok pa sila sa trabaho kinabukasan.

Dakong alas-1:55 ng madaling araw, Pebrero 9, nang maalimpungatan si Emily sa pagtulog at napuna niya na wala sa kanyang tabi si Liezl.

May kakaibang kaba sa dibdib si Emily bagama’t iwinaksi niya ito at ipinasiyang alamin kung nasa banyo lang ang kalive-in subalit nang hindi niya makita sa loob ng kanilang bahay, ipinasiya niyang lumabas upang hanapin ang kinakasama.

Malapit lamang ang lugar na pinagta-trabahuhan ni Gerald at sa hindi maipaliwanag na damdamin, dito dinala ng kanyang mga paa si Emily at laking gulat niya nang makita ang lalaki habang nakayap sa kanyang kinakasama.

Sinabi ni Emily sa TUGIS na kaagad niyang nilapitan ang dalawa at sa halip na magulat sa kanyang pagdating, sinabihan pa umano siya ni Gerald na aagawin na niya si Emily sa kanyang piling

Idinagdag pa ni Emily na tinangka umano siyang bugbugin ni Gerald kaya’t nang makahagilap siya ng patalim ay inundayan niya ng sunod-sunod na saksak ang lalaki na nagawa pang makatakbo sa kabila ng tinamong sugat

Dagdag pa ni Emily, may namumuo ng hinala sa kanya na may relasyong namamagitan sa dalawa dahil nahuhuli niya ang madalas na palitan ng mensahe ng mga ito sa pamamagitan ng text.

May ilang kakilala rin aniya siya na nagsabi na nakikita nila ang dalawa habang magka-akbay na magkasama bukod pa sa nahuhuli rin niya na tumatabi si Liezl kay Gerald kapag nauna na siyang bumitiw sa kanilang inuman.

Sa pahayag naman ni Liezl kina SPO2 Joselito Bagting at PO2 Phillip Cesar Apostol ng Homicide Section ng Malabon police, pinuntahan aniya niya si Gerald sa gate ng Eon Bulk Handling Services matapos ang kanilang pag-iinuman upang kunin ang alaga niyang rabbit.

Habang nagkukwentuhan aniya sila ni Gerald, biglang dumating si Emily at dinikitan ang biktima at inundayan ng saksak sa tagiliran. Nagtatakbo aniya si Gerald subalit hinabol pa rin siya ng kanyang kalive-in at inundayan pa ng saksak sa dibdib.

Pagkatapos aniyang saksakin ni Emily si Gerald, tinawag siya ng kalive-in at sinabihan siya lumapit dahil idadamay siya kaya’t sa takot ay nagtatakbo siya at nagtago sa talahiban hanggang makahingi ng saklolo sa nagdaraang pedicab driver na nagdala sa kanya sa barangay hall ng Panghulo bago sa himpilan ng pulisya.

Sinamahan aniya siya ng mga pulis pabalik sa lugar na pinangyarihan ng krimen at doon ay dinatnan nila ang duguang bangkay ni Gerald na nakahandusay na lansangan.

Kaagad namang iniutos ni Malabon police chief Senior Supt. Jessie Tamayao ang pag-TUGIS kay Emily at una nilang pinuntahan ang bahay ng kapatid nito sa Phase 8, Barangay Bagong Silang, Caloocan city makaraang sabihin ni Liezl na posibleng doon nagtungo ang kinakasama.

Gayunman, nabigo ang mga pulis na maabutan sa naturang bahay ang magkapatid dahil nagtungo na rin pala ang dalawa sa Malabon Police Community Precincct (PCP) sa Barangay Panghulo upang isuko ni Renato si Emily.

Ipinasiya ni Renato na isuko ang kapatid matapos umamin sa kanya si Emily na napatay niya sa saksak si Gerald.

Sa pahayag naman ni Emily sa TUGIS, sinabi niya na nagdilim ang kanyang paningin nang makita niyang nakayakap si Gerald kay Liezl at sinabihan pa siya na aagawin na sa kanya ang kalive-in.

Bagama’t nagsisisi sa nagawang krimen, sinabi ni Emily na kung nagpaalam lamang aniya ng mahusay sa kanya ang dalawa at hindi siya trinaidor ay hahayaan na rin niya ang mga ito tulad ng ginawang paghingi ng pahintulot ng dati niyang kinakasamang si Riza nang umibig sa isang lalaki.

Ayon naman kay SPO2 Joselito Bagting, sasampahan nila ng kasong homicide si Emily at magsisilbing testigo laban sa kanya ang kinakasamang si Liezl.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-