Nang maging kaibigan ni Emily ang kasamahan niya sa trabaho na si Joy Magnaye na tulad niya ay isa ring tomboy, kahit paano’y nabawasan ang kanyang nararamdamang kalungkutan lalu na’t masayang kasama at kakuwentuhan ang kaibigan.

Paminsan-minsan ay niyayakag din siya ni Joy na mag-inuman na kanya namang pinagbibigyan kaya’t lalung lumalim ang kanilang pagkakaibigan na na­kabuti naman upang hindi na sumagi sa isipan niya si Riza.

Lalu pang nagkaroon ng panibagong kulay ang mundo ni Emily nang ipakilala ni Joy kay Emily ang isa pa nilang kasamahan sa trabaho na si Liezl Marcos, ang 28-anyos na dalagang ina na tubong-Masbate.

Tulad ni Emily, hindi rin naging maganda ang resulta ng kasaysayan ng pag-ibig ni Liezl bagama’t tulad niya ay pinipilit nitong mabuhay nang normal at kalimutan ang madilim na nakaraan sa piling ng lalaking kanyang naging karelasyon.

Sa unang pagkikilala pa lamang nina Liezl at Emily, nakaramdam na ng kakaibang tibok ng dibdib ang huli na tulad ng maramdaman niya nang maging magkaibigan sila ng kababayang si Riza.

Hindi naman na­ging mailap si Liezl sa bagong kaibigan lalu na’t malapit din naman siya kay Joy kaya’t hindi na nahirapan si ­Emily na makisala­muha kapag nagkakayayaang uminom ng alak ang dalawa.

Habang lumalaon, lumalalim ang pagkakaibigan nina Emily at Liezl hanggang maramdaman na lamang ng una na may kakaibang uri na damdamin ang lumulukob sa kanya sa tuwing magkasama sila ng kaibigan.

Sa pakiwari ni Emi­ly, ganito rin ang naram­daman niya nang umibig siya nang tapat kay Riza bagama’t bukod sa magkaiba ng kaanyuan at pag-uugali ang dalawang babaeng naging malapit sa kanya, iisa lamang ang itinutulak ng kanyang puso at isipan sa mga ito.

Natiyak ni Emily na bukas na muli ang kanyang puso sa tawag ng pag-ibig dahil hindi na sumasagi sa kanyang isipan ang mapait na karanasan sa naging ka-live in kundi ang nararamdaman niya ay panibagong tibok ng puso para sa bagong minamahal.

Lahat ng alam niyang paraan ng pagsuyo at pamimintuho sa bagong babaeng nagpatibok sa kanyang puso ay ginawa ni ­Emily, kabilang na ang pagkakaloob ng kahit mumunting materyal na bagay na batid niyang ikaliligaya ni Liezl ay kanyang ginagawa.

Nang malaman naman ng nakatatandang kapatid ni Emily na si Renato ang muling panliligaw ni Emily sa kasamahan sa trabaho, nakaramdam siya ng kasiyahan sa paniwalang tuluyan nang malilimutan ng kanyang kapatid ang siyam na taong kaligayahan sa piling ng dating ka-live in.

Hindi tulad noon na tutol siya sa pakikipag-relasyon ng naka­babatang kapatid sa kapwa niya babae, ngayon ay mas napanatag pa ang loob ni Renato dahil batid niyang magkakakulay na muli ang mundo ng nakababatang kapatid kung sakali at tugunan ni Liezl ang idinudulog na pagmamahal sa kanya ni Emily.

Ilang buwan pa ang lumipas nang makaramdam ng kapanatagan ng loob si Renato nang malaman niyang sinagot na rin ni Liezl ang pamimintuho sa kanya ni Emily at minsan ay isinama pa ng kanyang nakababatang kapatid ang bagong kasintahan sa kanyang bahay sa Bagong Silang.