Tondo Happyland nagliyab sa pot session

Sumiklab ang sunog sa Happyland, Tondo, Maynila kahapon kung saan 150 bahay ang tinupok ng apoy na sinasabing dahil sa pot session ng mga adik sa nasabing lugar.

Ayon sa Manila Fire Department, dakong alas-12:00 nang tanghali nang magsimula ang sunog sa residential area ng Happyland na umabot sa ikalawang alarma.

Dalawa katao ang iniulat na nasugatan sa sunog na kinilala ng Arson Division na sina Aida Tesoro at Rodel Guevarra, 27.

Natusok ng pako ang paa ni Tesoro samantalang nasugatan naman sa noo si Guevarra habang parehong nagtatangkang tumulong na magsalba ng mga gamit.

Isang nag-usyoso sa sunog na nakilala lamang sa pangalang BJ Jerome, 26, ang sinaklolohan ng mga bumbero matapos na himatayin.

Galing pa umano sa Herbosa, Tondo si BJ Jerome at nagtungo lamang sa lugar upang mag-usyoso sa sunog.

Batay sa nakuha umanong impormasyon ng Arson Division mula sa ilang residente ng Happyland, maaaring nagsimula umano ang sunog sa pot session ng ilang adik na nakatira sa kanilang lugar.

Pero iniimbestigahan pa umano ito ng mga awtoridad.

Idineklarang fire out na ito dakong alas-2:44 nang hapon.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang ha­laga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.