Pinirmahan na kahapon ni Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ ang 48- oras na hard lockdown sa Tondo District 1 simula Mayo 3 ng alas- 5:00 ng madaling araw hanggang Mayo 5 ng alas- 5:00 ng madaling araw bunsod ng mataas na kaso ng COVID-19.
Nabatid na alinsunod sa Executive Order no. 22 na nilagdaan ni Moreno, layunin ng lockdown na bigyang- daan ang mass testing at surveillance ng mga taong pinaghihinalaang positibo sa COVID-19.
Gayundin, upang mapababa ang bilang ng kaso ng COVID -19 sa lugar.
Sa panahon ng lockdown , suspendido ang quarantine pass ID at walang papayagan na makalabas sa kalsada maliban sa mga awtorisadong frontliner.
Ayon kay Moreno, tatapusin niya ang pagbibigay ng pagkain na ayuda sa mga residente ng District 1 bago ipatupad ang 48 araw na lockdown para wala nang dahilan ang mga residente na lumabas sa kanilang mga tahanan.
Inuna na umano ang Tondo area dahil malaki ang nasasakupan nito at madami rin ang nagpositibong kaso ng COVID-19.(Juliet de Loza-Cudia)