Marami akong ipinagpapasalamat sa Diyos para sa linggong nakalipas, kung saan nagkaroon ng katuparan ang dalawa sa aking pinakamahalagang mithiin.

Una na rito ay nang makapag-groundbreaking na kami para sa pagtatayo ng dalawang 15-palapag na condominium buildings na magbibigay ng disenteng pabahay para sa 336 pamilya na walang tahanang matatawag na tunay na sa kanila.

Ang mga nasabing gusali na tatawaging ‘Tondominium 1’ at ‘Tondominium 2’ ay itatayo sa kinatitirikan ng Vitas slaughterhouse na dati ay ubod ng baho, dumi at talaga namang nakasusulakasok na tapunan ng mga di na pakikinabangang bahagi ng mga hayup at iba pang uri ng basura.

Sa ilalim ng plano, bawat unit ay may sukat na 44 square meters, kumpleto sa banyo at kusina at maging dalawang kwarto, isa para sa mag-asawa at isa para sa kanilang mga anak, kung meron man.

Lubos ko ding ikinalulugod na kasama ko sa nasabing makasaysayang okasyon si Vice Mayor Honey Lacuna at kapatid niyang si Dennis Lacuna, na siyang nag-disenyo sa nasabing proyekto. Gaya nga ng sinabi ni Vice Mayor Honey at batay na din sa aking personal na kaalaman, ang kanilang ama na si dating Vice Mayor Danny Lacuna ay matagal nang inaasam ang ganitong uri ng proyekto sa Maynila subalit hindi nagkaroon ng pagkakataon na ito ay maipatupad.

Ngayong nariyan na ang housing project para sa mahihirap na taga-Tondo at ginagawa na, ika nga ay ït’s like hitting two birds with one stone”.

Habang ginagawa ko para kay Vice Mayor Danny Lacuna ang matagal na niyang gustong gawin ay tinutupad ko na rin ang aking matagal nang pangarap sa buhay, at ýan ay ang makatulong sa mahihirap na pamilya na magkaroon ng sariling tahanan, isang bagay na ang inyong lingkod ay napagkaitan nung aking kabataan.

Bilang isang dati ring squatter mismo, kabisado ko kung paanong mabuhay nang walang katiyakan araw-araw, kung saan ni hindi mo alam kung ang iyong itinuturing na tahanan ay nakatirik pa ba pag-uwi mo o kung papayagan ka pa bang makapasok ng nagpapaupa dahil abot na hanggang leeg ang iyong utang sa renta.

Alam ko din kung ano ang pakiramdam ng mapalayas sa bahay dahi hindi ka nakakabayad ng upa o di kaya ay dahil ang kinatitirikan ng inyong bahay ay pag-aari ng isang pribadong tao o ng gobyerno. Alam ko din paano ang buhay ng isang taong ni banyo ay wala.

Lahat ng aking naranasan bilang mahirap sa murang edad ay isang bagay na hangga’t maari ay ayokong danasin din ng ibang kabataan.

Kaya naman sa fmaraming nagtatanong kung bakit tila napakalaki ng units na aming itinatayo kumpara sa ordinaryong sukat ng mga housing unit na 30 square meters o mas maliit pa, ang sagot ko dito ay dahil gusto kong magbigay ng tunay na disente at maayos na tirahan.

Nais ko ding palitan ang nakagawian nang negatibong pakahulugan ng salitang ‘Tondominium’ dahil nung aking kabataan bilang magbabasura, ang katawagang ito ay talaga namang negatibo ang kahulugan para mga maralitang taga-Tondo na nakatira sa mala-kahon na bahay na patong-patong, kagaya ng mga apartment-type na nitso sa mga pampublikong sementeryo.

Ngayon, imbes na magdulot ng kahihiyan, ang salitang ‘Tondominium’ ay maari nang maipagmalaki ng mga residente Tondo, sa tulong ng Diyos.

Bilang bonus ay nakamit na din ng lungsod sa panahong higit na maikli kesa sa ating inaasahan, ang mithiing 400 beds na handa na at nakakalat sa 12 quarantine facilities na ating itinayo sa mga ‘strategic areas’ sa Maynila.

Sa katunayan, umabot pa ng 482 beds lahat ang kabuuan bilang ng ating naitayo. Lahat ng ýan ay handa nang magamit ng mga taga-lungsod na kinakailangang ma-quarantine at bilang kahandaan na din sa posibilidad ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases ngayong ang National Capital Region ay naisailalim na sa general community quarantine.

Sa kabila niyan ay nananalangin pa rin tayo na sana ay hindi natin magamit ang proyektong ito dahil ‘zero COVID’ pa rin ang ating pangunahing layunin.

Habang kami sa lokal na pamahalaan ay ginagawa lahat ng posible upang masuri, maihiwalay at magamot ang lahat ng pupuwede naming maabot, inaasahan naman naming gagawin ng mga residente ang kanilang parte at ‘yan ay ang simpleng pag-aalaga sa kanilang mga sarili.

Kasama na riyan ang pagsunod sa mga basic protocols gaya ng pagsusuot ng face mask nang maayos at sa lahat ng oras, malimit na paghuhugas ng mga kamay o paggamit ng alcohol at pagsunod sa social distancing sa loob at labas ng tahanan. Sa ganitong paraan ay maari nang makatulong sa pamahalaang-lungsod sa paglaban sa COVID-19.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’