Tone-toneladang carrot binagsak sa Manila ng mga magsasaka sa Cordillera

Nag-donate ng 20 metriko toneladang carrot ang Cordillera Seed and Fruits Multipurpose Cooperative bilang relief goods sa mga komunidad sa Maynila, Pasay City at Paranaque na apektado ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Ito ay naaayon sa Kadiwa Express on food Accessibility ng kagawaran ng Agrikultura Cordillera Administration sa pakikipagtulungan sa SPECS Foundation Inc.

Sinabi ni Ardan Copas, manager ng Cordillera Seed and Fruits Multipurpose Cooperative na ang pagtulong sa mga komunidad ay isang paraan ng paggawa ng kanilang corporate social responsibility sa panahon ng krisis.

Ayon pa kay Copas, may 20 magsasaka mula sa Natubleng, Buguias, Benguet ang pinagsama ang kanilang aning karot upang ibigay sa mga nangangailangan ng komunidad.

“When we deliver vegetables in Metro Manila, I saw families in slum areas who really need food so we decided to channel vegetables to the needy as a relief good,” pahayag ni Copas.

Idinagdag din nito na ang kabutihang-loob ng magsasaka sa ganitong ECQ ay isang paraan upang maibalik sa gobyerno tulad ng DA-CAR ang tulong na kanilang ibinibigay sa pagsulong ng industriya ng agrikultura. (Riz Dominguez)