Game ang veteran actor na si Tonton Gutierrez kung sakaling magkaroon siya ng pelikulang kailangan niyang makipaghalikan sa kapwa barako.

Sa isang event ng Beautederm owner na si Ms. Rei Tan na isa si Tonton sa ambassador, inusisa namin ang actor kung mayroon pa ba siyang dream role?

Tugon ng mister ni Glydel Mercado, “Ang isang role na hindi ko pa nagagawa talaga is being a lawyer, na mayroong court scene na naglilitis ng kaso talaga, yung ganoon.

“Doktor nagawa ko na. Mahirap yung mga medical terminology nila, huh. Nakakautal,” nakatawang sambit niya.
Nakaganap na ba siya ng role na psychotic?

Wika ni Tonton, “Psychotic? Hindi. Yung nagawa ko lang yung Saan Nagtatago Ang Pag-ibig? (with Vilma Santos). Iyong role kong si Val. Parang autistic iyon, na naaksidente noong bata, tapos hindi na siya tumanda (sa isip).

Wish ba niyang magkaroon ng reunion movie with Ate Vi? “Oo naman, of course, of course. Without a blink of an eye. Yes. Kumbaga… I’d love to, I’d love to.

“Alam mo si ate Vi kapag nagkikita kami, ang tawag niya sa akin, ‘Uy, Val!’. Val pa rin ang tawag niya sa akin.”
Iyong gay role, nakaganap na rin ba siya? “Oo. Sa television, nagawa ko na rin iyon.”

How about kung sa isang pelikula, kailangang makipaghalikan sa kapwa niya lalaki, game ba siya? Sambit ni Tonton, “Bakit, hindi? Mayroon nga kami rati ni Roderick Paulate. I’m not so sure if it was sa MMK, mayroon kaming eksena. So, siya yung bading, eksena kami, tapos hinalikan ko siya sa lips. Hindi niya alam (na gagawin ko iyon).”

Hindi inutos ng director? “Wala. Nagulantang lahat, eh. Pati siya (Rode­rick), ang reaction niya, parang… Kasi, ending na iyon, eh. Ano eh, natural yun na ano, eh… Kumbaga ganoon kapag mahal mo, eh. Hindi naman siya torrid. It was just a smack na saying, ‘Thank you’, parang ganoon. Parang, ‘Sa­lamat’. Mahal mo yung tao, eh.

“Pati yung director namin, di ko maalala kung sino ang director namin, ‘Talaga, ginawa mo iyon?’ Sabi niya.
“Kasi, wala namang kaso iyon eh, hindi naman big deal iyon eh, trabaho namin iyon, eh,” saad pa ng mahusay na actor na napapanood ngayon sa GMA-7 TV series na Ika-5 Utos.