Hindi pa rin lusot ang Fil-American actor na si Tony Labrusca kahit humi­ngi na ito ng paumanhin sa iskanda­long kinasangkutan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nabatid na magsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Immigration (BI) sa kinasangkutang insidente ni Labrusca matapos na ipaubaya ng Department of Justice (DOJ) sa naturang ahensiya ang nangyari sa NAIA.

Nabatid na nagsisigaw umano ang aktor matapos malaman na may 30 araw lamang siyang puwedeng manatili sa Pilipinas nang dumating sa NAIA kamakailan.

Humingi na ito ng paumanhin partikular sa BIR officer na nagsabi sa kanyang 30 araw lamang siyang puwedeng manatili sa bansa matapos dumating galing Canada.

Nabatid na US passport holder si Labrusca at hindi ito sakop ng balikbayan visa privilege para sa mga dating Pilipino na naturalized sa ibang bansa at sa kanilang asawa at anak na kasama sa pagbiyahe.

Kaugnay nito, tumanggi nang magbigay ng komento si DOJ Undersecretary at spokesperson Mark Perete tungkol sa insidenteng kinasangkutan ni Labrusca dahil kanila na itong ipinaubaya sa BI.

“In any event, any action of the BI on the case is appealable to the Office of the Secretary,” ayon kay Perete.