Ngayong patok ang social media sa bawat indibiduwal, lalaki man o babae bata man o matanda. Marami rin sa mga panatiko ang nais malaman ang buhay ng iba’t ibang atleta sa labas ng court. At madalas, sa kani-kanilang mga social media account nakikita ang mga pang-araw-araw na pamumuhay ng ilang sikat na manlalaro.
Ito ang pinakatanyag na mga Filipinong atleta sa mundo ng social media.
10. Mika Reyes
Twitter: @mikareyesss (397K) | Instagram: Reyesmikaaa (477K)
Isa si Mika Reyes sa pinakamalupit na blocker na naglaro para sa DLSU Lady Spikers at iginiya sa tatlong UAAP championship. Sa ngayon, nagpapakitang gilas ang 24-anyos para sa Petron Blaze Spikers bilang middle blocker sa Philippine Super Liga kung saan nagwagi na rin siya ng apat na kampeonato, tatlo sa Petron, sa nasabing torneo.
9. Kiefer Ravena
Twitter: @kieferravena (731K) | Instagram: kieferravena15 (162K)
Bago pa man pumasok sa PBA, tanyag na ang pangalan ng dating ‘King Eagle’ ng Ateneo na si Kiefer Ravena matapos sikwatin ang dalawang UAAP title para sa unibersidad. Dagdag pa rito ang ilang sabak na nito sa Gilas Pilipinas para irepresenta ang bansa.
8. Jeric Teng
Twitter: @jericteng (769K) | Instagram: tengjeric (157K)
Marahil marami sa inyo ang nahihiwagaan kung bakit nandito ang kanyang pangalan, ngunit isa si Jeric Teng sa pinakamatinik na manlalaro sa UAAP bago tumuntong sa PBA. Ang ngayong Global Port Batang Pier player ay dating collegiate star para sa UST Growling Tigers, at naging gold medalist na rin sa William Jones Cup noong 2016.
7. Ricci Rivero
Twitter: @_ricciiirivero (579K) | Instagram: Ricciiirivero (413K)
Ang tanging collegiate player sa listahan, hindi kataka-takang sisikat talaga ang bagong UP Fighting Maroons na bukod sa magandang lalaki, ay halimaw rin sa larangan ng basketball. Bukod pa dito, aktibo rin ang 20-anyos na binata sa social media na game makipagkulitan sa kanyang mga fan.
6. Phil Younghusband
Twitter: @PhilYHusband (1.02M) | Instagram: philyounghusband10 (90.3K)
Bagama’t hindi purong Pinoy, inilaan ni Phil Younghusband ang kanyang kabuuang karera sa football bilang team captain ng Philippine Azkals mula pa noong 2006 hanggang ngayon. Siya rin ang pinakaunang Pinoy na nakaiskor ng 50 goals sa mga international competition. Ngayon ay sasalang ang Azkals, sa pangunguna ni Younghusband, sa 2019 AFC Asian Cup sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine football.