Asinta ng Philippine Blu Girls ang top three finish sa 11th Asian Wo­men’s Softball Championship 2016 sa Dec. 6–14 sa Chaiyaphum, Thailand para makasulong sa 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia sa 2018.

Hinirit pa kahapon ni Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPHIL) ope­rations head Ismael Veloso III na dapat namang maka-top six ang national women’s squad sa Asiad na papalo sa Aug. 18-Sept. 2, 2018 para makaabante sa 16th Women’s World Softball Championships 2018.

Wala pang saktong date ang WWSC 2018 sa Chiba, Japan, itatakda pa lang ang petsa nito ng International Softball Fede­ration bago matapos ang taon ding nabanggit.

Nais ng organisasyon na mapalakas pa ang team sa pagdagdag pa ng tatlong Fil-Am players mula sa orihinal na limang mga humambalos na sa 2014 Incheon Asiad.

Fourth placer ang Filipinas sa Incheon sa likuran ng gold-silver-bronze winners Japan, Taiwan at China sa anim na mga kalahok.

Ang mga Fil-Ams na pumalo sa Incheon ay sina Gabrielle Maurice, catcher Dani Gilmore, Chelsea Suitos, Sierra Lange at outfielder/infielder Garie Blando.

Pero sina Gilmore at Blando lang ang mga nakalaro nang lumagak ang Pinays sa 12th spot sa 13-team 16th World Cup of Softball nu’ng July sa Oklahoma.