Dahil sa bagyong “Ursula” na naminsala sa ilang lugar ng Western and Eastern Visayas, siguradong apektado ang revenue this year ng MMFF. Malamang hindi umabot sa P1B target nila.

Although leading pa rin ang MMFF movie ni Vice Ganda with Anne Curtis this year, ang “The Mall, The Merrier” among the eight entries, tila malabong maabot ni Vice ang kinita ng kanyang last movie. Malakas din kasi ang tatlong pelikula na kasabay niya tulad ng “Miracle in Cell No. 7” ni Aga Muhlach, ang “3pol Trobol: Huli Ka Balbon” ni Coco Martin at “Mission Unstapabol: The Don Identity” ni Vic Sotto habang humahabol ang “Sunod” ni Carmina Villarroel.

Samantala, bokya sa awards sa nakaraang Gabi ng Parangal ng MMFF na ginanap sa New Frontier Theater nu’ng nakaraang Biyernes ng gabi, December 27, ang Top 4 sa takilya ng MMFF. Except kay Aga na siyang nanalong Male Star of the Night.

Hindi naman ininda ni Aga ang hindi niya pagkakapanalo ng Best Actor tulad sa dalawa niyang naunang MMFF movies na “Bakit Labis Kitang Mahal” at “May Minamahal” na parehong magkasunod na taon niyang napanalunan.

‘Mindanao’ humakot sa Gabi ng Parangal

Humakot ng 11 major awards ang pelikulang “Mindanao” na pinamahalaan at prinudyos ni Brillante Mendoza at pinagbidahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon sa katatapos pa lamang na Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival.

Ang pelikulang “Mindanao” ay siyang nanalong Best Picture, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, Fernando Poe, Jr. Memorial Award, Gender Sensitivity Award, Best Director (Brillante Mendoza), Best Actress (Judy Ann Santos), Best Actor (Allen Dizon), Best Child Actress (Yuna Tangog), Best Sound, Best Visual Effects at Best Float.

Pitong awards naman ang nasungkit ng pelikulang “Write About Love” at ang mga ito ay ang 2nd Best Picture, Best Supporting Actress (Yeng Constantino), Best Supporting Actor (Joem Bascon), Best Screenplay, Best Production Design, Best Musical Score at Special Jury Prize para sa director na si Crisantos Aquino.

Ang pelikula nina Iza Calzado, Jasmine Curtis-Smith at Meryll Soriano ay nakakuha lamang ng Special Jury Prize Ensemble Award habang sina Aga Muhlach at Carmina Villarroel naman ang tinanghal na Scratch It Male and Female Star of the Night.

Ang “Sunod” ni Carmina Villarroel ay tinanghal na 3rd Best Picture. Ito rin ang nanalong Best Production Design at Best in Cinematography.

Namigay rin ng Hall of Fame awards ang MMFF para sa iba’t ibang kategorya tulad ng Best Actress kina Nora Aunor, Vilma Santos-Recto, Maricel Soriano at Amy Austria; Best Actor kina Anthony Alonzo, Cesar Montano at Christopher de Leon, Best Supporting Actress kina Eugene Domingo at Cherie Gil, Best Director kina Marilou Diaz-Abaya, Joel Lamangan at Jose Javier Reyes.

Dahil sa panalo ng “Mindanao”, “Write About Love” at maging ang “Sunod”, inaasahan na makakatulong ito na panoorin. ‘Yung iba kasing pelikula ay nabawasan na ng mga sinehan at idinagdag doon sa malalakas na movies.