Arestado ng mga awtoridad ang itinuturing na top 6 most wanted sa Bacoor, Cavite at suspek sa brutal na pagpatay sa isang rider at malubhang pagkasugat ng angkas nito.

Nasa kostudiya na ng Bacoor Police ang isa pang suspek sa nasabing krimen na nangyari noong 2017, na si Jelsen Cuenca. Nadakip ito sa isang gasolinahan sa Brgy. San Nicolas 2 matapos ang surveillance na isinagawa ng pulisya.

Nag-ugat ang pag-aresto kay Cuenca sa brutal na pagpatay kay Alexis Barba, 26, at malubhang pagkasugat ng 15-anyos nitong angkas, pawang sakay ng motorsiklo.

Nakuhanan ng cctv ang nangyaring pagbato umano ni Cuenca sa dalawang sakay ng motorsiklo at nang sumemplang na ang dalawa ay pinagtulungan umanong pinagpapalo ng mga tipak ng bato, ang ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga biktima.

Itinanggi ni Cuenca ang krimen at isinisi ito sa kasamahang si KC Francisco na naaresto noong 2018, bukod sa huli nadakip na rin ng pulisya ang apat pang mga suspek sa krimen.