Sa loob lang ng 27 moves ng Sicilian, pinatumba ni top seed GM Wang Hao ng China si Armenian GM Tigran Kontanjian para kapitan ang liderato ng Philippine International Chess Championships sa Subic Bay Penisular Hotel sa Zambales kahapon.
Magkasalo sa tuktok sa tig-4 points sina Wang at GM Vladislav Kovalev ng Belarus na winner din kay Woman GM Lei Tingjie ng China pagkatapos ng 60 moves ng Benoni.
Kabuhol ni Lei sa No. 3 sina Russian GMs Boris Savchenko at Anton Demchenko, Georgian GM Merab Gagunashvili at GM Levan Pentsulaia ng Georgia sa pare-parehong 3.5 points.
Sa panig ng Filipinos, nakipag-draw sa kani-kanilang fifth round games sina GM John Paul Gomez at IMs Haridas Pascua at Paulo Bersamina para manatili ng isang puntos sa likod ng leaders ng nine-round event na inisponsoran ng Philippine Sports Commission, Burlington, Marc Adventures Mining Inc., at Puregold.
Pinaghatian nina Gomez at Pascua ang point pagkatapos ng 30 moves ng Trompovsky Attack, draw si Bersamina kay IM Subbaraman Vijayalakshmi ng India sa 24 moves ng King’s Indian. Tabla rin sina GM Joey Antonio at IM Jan Emmanuel Garcia sa 31 moves ng Slav tungo sa 2.5 points.