Pasado kay President Rodrigo Duterte ang Foton­ Pilipinas­ nang mag-courtesy call ang team sa Malacañang Martes ng gabi.

Sa ilalim ni Italian coach Fabio Menta, tiwala ang Pangulo na kakasa ang Tornadoes sa AVC (Asian Volleyball Confederation) Asian Women’s Club Championship sa Sept. 3-11 sa Alonte Sports Center­ sa Biñan.

Full force ang Tornadoes, sa pangunguna nina American imports Ariel Usher at Lindsay Stalzer, nang humarap sa Pangulo na nagbiro pang sa tangkad­ at ganda ng players ay papasa ang mga ito bilang Philippine representatives sa beaty pageant.

“Oh good, I know we will win,” sambit ni Duterte nang malaman na 20 years nang coach si Menta, 54.

Sa sandaling pakikipag-usap sa mga pambato ng Philippine Superliga, nabanggit ng Pangulo na passion­ niya ang sports dahil nailalayo nito sa drugs ang mga bata.

“I will try to watch your games if I have time. All I can say now is good luck and mabuhay kayo!” ­pahayag ni Duterte.

Present din sa courtesy call sina Jovelyn Gonzaga­, Maika Ortiz, Rhea Dimaculangan, Jen Reyes, Ivy Perez, Patty Orendain, Carol Cerveza, Angeli Araneta­ at skipper Jaja Santiago, team owner Rommey­ Sytin at team manager Joma Angulo.

Target ng Tornadoes na umabot ng semifinals sa AVCAWCC, at bubuksan ang kampanya laban sa Pocari Sweat (Hong Kong) sa Sabado, sunod kontra Thongtin Lienvietpost Bank (Vietnam) kinabukasan. Papalo rin sa torneo ang NEC Red Rockets (Japan), Bangkok Glass (Thailand), Altay VC (Kazakhstan), Sarmayeh Bank (Iran), Jakarta Elektrik (Indonesia), Taichung Bank (Chinese Taipei), Ba’yi Shenzheng (China), 4.25 Sports Club (North Korea) at Malaysia.­