Iginiit ng toxic waste group EcoWaste Coalition (EWC) na hindi rin ligtas na gamitin ang mga torotot bilang alternatibo sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang pahayag ay ginawa ng grupo, kasunod na rin ng rekomendasyon ng Department of Health (DOH) sa publiko na gumamit na lamang ng mga alternatibong noisemakers upang makapag-ingay sa New Year’s Eve celebration para makaiwas sa fireworks-related injuries.
Sinabi pa ng EWC na mayroon ring mga torotot na mapanganib dahil sa taglay na nakalalasong materyales ng mga ito.
May maliliit rin itong parte na delikadong malunok partikular na ng mga bata.
Maliban sa torotot, ilan pa sa mga inirerekomenda ng DOH upang gamiting noisemakers sa Bagong Taon ay ang takip ng kaldero at kawali, gayundin ang pagpapatugtog ng radyo nang malakas o ‘di kaya ay busina ng sasakyan at iba pa.
Hinimok rin naman ng DOH ang publiko na sa halip na magpaputok ay makilahok na lamang sa mga isasagawang community fireworks display upang makaiwas sa sakuna.