Pigaan ng utak ang mga manla­laro, anumang edad o rating, sa 1st GM Eugenio ‘Eugene’ Torre Chess Cup 2019 sa Mapua Universty Gym sa Intramuros, Maynila sa darating na Mayo 18.

Peronal na nag-anyaya si Asia’s first grandmaster Torre sa pagdalo nito sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports kahapon sa National Press Club.

“This is open to all chess players. Magandang exposure ito lalo na sa mga bata. Magkakasubukan din dito ang mga tituladong manlalaro lalo pa na isa itong FIDE (World Chess Fe­deration) rated event,” wika ng former Mapua chesser.
Kuwento naman ni Edmond Aguilar, presidente ng nag-oorganisang Mapua Filipino-Chinese Alumni Association, lilimitahan lang sa 400 manlalaro ang makakalahok sa torneo.

Pakay din aniya nito na mahasa ang mga manlalaro ng Mapua bilang paghahanda sa mga nalalapit na inter-collegiate tournament.

Dagdag ni tournament director at Mapua coach Boyet Tindugan Tardecilla, ang magkakampeon sa Open division ay mag-uuwi ng P30,000 at isang magarang tropeo, ang runner-up ay may P20,000 at ang third placer ay P8,000.