Nadakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang AWOL na pulis-Maynila na sangkot sa pag-torture ng isang inmate sa loob ng Asuncion Police Community Precinct (PCP) noong 2010.
Iniharap sa media ni NBI Deputy Director at Spokesman Ferdinand Lavin si dating PO1 Nonito Binayug, kapatid ni dating PS/Insp. Joselito Binayug na nakakulong na ngayon sa Manila City Jail.
Si Binayug ay naaresto noong 2013 habang ang iba pang pulis na kinasuhan ay nakakalaya matapos payagan ng Manila Regional Trial Court, Branch. 1 na makapagpiyansa.
Nabatid na si Nonito, ay inaresto sa may C. Reina st., sa bisa ng warrant of arrest matapos ang halos 2-linggong surveillance ng NBI.
Si Nonito ay nagtago matapos kasuhan dahil sa pagkakadawit sa pag-torture sa inmate noong 2010.
Ayon kay NBI Special Action Unit chief Emeterio Dongallo, mismong mga opisyal sa Tondo ang nagsumbong na malayang nakakakilos si Binayug sa Tondo kahit na may warrant of arrest dito.
Itinanggi naman ni Nonito na may kinalaman siya sa ginawang pag-torture sa inmate ng kanyang kapatid.