Ibinasura na ang panukalang pagpapatupad ng total ban sa pag-iral ng political dynasty sa bansa bilang bahagi ng gagawing pag-am­yenda sa 1987 Constitution.

Sa halip, sa botong 10-9 ay nagkasundo ang mayorya ng mga miyembro ng binuong Consultative Committee (Con-Com) na i-regulate na lang ito at huwag tuluyang ipagbawal.

Naging kapana-pa­na­bik pa ang idinaos na botohan dahil sa 19 na miyembro ng Con-Com na dumalo sa en banc session, tumabla sa 9-9 ang boto.

Ang pinuno ng Con-Com na si dating Chief Justice Reynato Puno ang huling bumoto at nagsilbing tie-breaker sa botohan.

“For regulation” ang boto ni Puno kaya namayani ang boto para i-regulate lang ang political dynasties sa halip na i-ban na ng tuluyan.

Isa naman sa mga miyembro ng komite ang absent kaya hindi nakaboto.

Ang anti-dynasty provision ay bahagi ng panukala sa draft para sa pag-amyenda sa Saligang Batas.

Sa ilalim ng napagkasunduang “regulation” sa political dynasty, ang ipagbabawal lamang ay ang political dynasty na sangkot ang mga politiko na hanggang 2nd degree ang blood relation sa kanilang mga kaanak.