Total lockdown dineklara sa SOCCSKSARGEN

Umaabot sa 172 pulis ang ikinalat sa mga boundary ng Region 12 o SOCCSKSARGEN matapos na ilagay ito sa total lockdown na magsisimula hatinggabi ng Lunes, Marso 23, dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinangunahan ni SOCCSKARGEN Police Regional Office director Brig. Gen. Alfred Corpus ang isinagawang send-off ceremony Linggo ng umaga sa nasabing bilang ng mga pulis na magbabantay sa ibat-ibang boundary na siyang magmamando ng mga checkpoint papasok at palabas ng rehiyon.

Base sa Joint Regional Peace and Order Council 12 at Regional Disaster Risk Reduction Management Council at sa serye ng resolusyon ay napagkasunduan na ang mga alintuntunin sa pagpapatupad ng total lockdown o general community quarantine ay bilang paghahanda sa banta ng COVID-19.

Base sa alintuntunin, bawal na ang pagpasok at paglabas sa mga boundary ng Region 12 maliban sa mga importanteng biyahe katulad ng pagdadala ng mga pagkain at pagbiyahe ng mga nagtatrabaho, medical emergency at iba ang government function.

Limitado na rin ang galaw ng mga residente at kinakailangang may awtorisadong identification card para sa paglabas at pagpasok sa rehiyon.

Kabilang lang sa mga maaring papasukin at palabasin sa rehiyon ay ang mga frontliner habang mayroon ding fast lane para sa mga magde-deliver ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

“Simple lang ang trabaho natin, ang bantayan na walang makakapasok sa Region 12 except those who are authorize as provided in the guidelines… Vehicles carrying our basic commodities shall be allowed as their services are essential to our survival,” bilin ni Corpus sa kapulisan.

“Kayo naman as frontliners, Be safe always, ingatan po ninyo ang inyong mga sarili.. remember we have a populace to protect and we have a family waiting for us at home, we cannot compromise their safety, thus, Be Safe always,’ dagdag ng heneral.

Nananawagan naman si Corpus sa mga residente na makipagtulungan sa Philippine National Police sa isasagawang lockdown.

“We understand your predicament, constraints, and sentiments but please magtulungan tayo, without your cooperation all of these efforts are will be for nothing,” ayon pa kay Corpus.

Ang rehiyon ng SOCCSKSARGEN ay binubuo ng South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City. (Edwin Balasa)