Total lockdown inutos sa Laguna

Inanunsyo ni Governor Ramil Hernandez na isasailalim sa total lockdown ang buong lalawigan ng Laguna epektibo ala-una Sabado ng hapon.

“Ipinag-utos sa lahat ng awtoridad sa lalawigan ng Laguna ang implementasyon ng total lockdown ng probinsya at mahigpit na pagsunod sa lahat ng panuntunan sa pagpapatupad nito,” nakasaad sa anunsyo ni Hernandez sa kanyang Facebook page.

Hiniling ng gobernador ang pang-unawa at pakikipagtulungan ng mga mamamayan ng Laguna sa ipinatupad na total lockdown bilang tugon kontra paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan.

Batay sa ulat ng Laguna Bantay COVID-19, umaabot na sa 23 ang kumpirmadong positibo sa virus sa kanilang lalawigan.

Naitala ang mga tinamaan ng COVID-19 sa Sta. Rosa City na may walong kaso, lima sa San Pedro, tatlo sa Binan, dalawa sa Calamba, at tig-iisa sa Cabuyao, Los Banos, Lumban, Pila at San Pablo, Laguna.

Nasa 10,136 ang mga person under monitoring (PUM), 687 ang mga person under investigation (PUI), at 2,429 cleared na sa virus, ayon sa Laguna Provincial Health Office.