Total lockdown sa Paranaque sinantabi

Hindi magpapatupad ng total lockdown sa lungsod ng Paranaque si Mayor Edwin Olivarez sa kabila ng naitalang paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19 ng Department of Health (DOH) sa isa nilang barangay.

Naniniwala ang alkalde na hindi tamang solusyon ang pagdedeklara nila ng total lockdown hangga’t nananatili naman sa isolation facility ang mga pasyenteng positibo sa naturang sakit.

Sa pagtaya ng DOH, ang Metro Manila ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong bansa na umaabot sa 67 porsiyento hanggang nito lamang Mayo 3, habang sa kanilang lungsod ay naitala ang may pinakamaraming bilang na nagpositibo sa sakit sa Brgy. San Antonio na umabot sa 50.

Ayon sa alkalde, magagalit at babatikusin sila ng mga mga residente ng San Antonio kapag inilagay nila sa total lockdown ang barangay sa nalalabing mahigit isang linggo ng pananatili ng ECQ, kaya ang gagawin lamang nila ay ibukod ang mga nagpositibo sa COVID-19 habang isasailalim naman sa random rapid testing ang may 20,000 residente sa naturang barangay.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 481 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kabilang na ang 33 nasawi habang pinayagan nang makalabas sa pagamutan ang 82. Naitala naman ang 88 pasyente na gumaling na sa sakit. (Edison Reyes)