Totoy na kasakay ni itay nagulungan ng trak

Sabog ang ulo ng isang 9-anyos na totoy matapos magulungan ng Elf truck sa national highway ng bayan ng Gattaran, Cagayan kahapon ng umaga (May 26).

Ang biktima na dead-on-the spot ay nakilalang si Rey Renie Valle, ng nasabing bayan.

Ayon kay Gattaran Police Station (GPS) investigator P/Staff Sgt. Rem Duruin, bago ang insidente, tumigil ang motorsiklo na minamaneho ng tatay ng biktima nang tumilapon ang sombrero ng sakay na anak.

Sinabi ni Duruin, naiwan ang bata sa tabi ng motorsiklo at nang pupulutin na ng ama ang sombrero ay siya namang pagdating ng truck na minaneho ni Erickson Gabatino at suwagin ang motor.

Dito, tumilapon ang bata at sa kasamaang palad, nagulungan pa ng truck ang ulo nito kung saan nagkalat ang kanyang utak sa daan.

Ayon sa imbestigador, sinabi ng ama na nagpumilit umano ang kanyang anak na sumama sa kanya sa trabaho sa Brgy. Palliagao sa nasabing bayan.

Sa ngayon ay nakakulong si Gabatino sa GPS detention cell at kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver ng truck at una nang nagbigay ng tulong pinansyal ang suspek (Gabatino) sa pamilya ng biktima. (Allan Bergonia)