Ang huling tagumpay ni ‘Pambansang Kamao’ Manny Pacquiao kontra Adrien Broner noong Linggo ang naging inspirasyon ng ilang Pinoy boxers na magsanay, magtrabaho at lumaban pa nang husto para sa karangalan ng bansa.

Sa pagharap nina WBC Asia super featherweight titlist Al ‘The Rock’ Toyogon at WBA Asia bantamweight Champion Carl ‘Wonder Boy’ Martin sa 7th “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS), sinabi ng dalawa na gagawin nila ang lahat sa darating nilang mga laban.

“Basta gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya para manalo,” wika ni Toyogon na nakatakdang depensahan ang kanyang titulo kontra Japanese fighter Ryusei Ishii sa Elorde Sports Center sa Parañaque bukas, Enero 26.

“Mabigat din po ang kalaban, pero tiwala lang. Laban lang dahil ayokong biguin ang mga kababayan natin na manonood,” sabi naman ni Martin, na isasalang ang kanyang titulo kontra Thai boxer Petchchorhae Kokietgym sa Midas Hotel sa Pasay City sa Pebrero 16.