Arestado ang isang 43-anyos na construction worker matapos nitong ikalat sa Facebook ang mga hubad na larawan ng isang 15-anyos na dalagitang binugaw niya sa Lungsod ng Malabon.
Kinilala ng Malabon City Police – Women and Children Protection Desk (WCPD) ang suspek na si Ricky Sigovia alyas Renz Valdomar, 43, ng Brgy. San Roque, Navotas City habang hinahanap pa ang kasamahan nito si Jhenel AJ Ramos.
Sa salaysay ng biktimang itinago sa alyas na Mabel, Oktubre 27 nang maka-chat nito ang suspek at nakipagkita kasama si Ramos. Gumala umano silang tatlo sa Malabon hanggang mag-check in sa isang hotel na hindi kasama si Ramos.
Nakatulog umano si Mabel nang uminom ito ng juice na bigay ni Sigovia at nang magising ay nakitang nasa loob na ng silid si Ramos at tinulak siya sa comfort room kung saan naroon si Sigovia na nakahubad na at sapilitan umano siyang hinalay hanggang sa makaraos.
Ilang araw pa ang lumipas ay nakita na lamang umano ni Mabel na nasa Facebook na ang malalaswang larawan niya.
Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang magulang ng biktima na humantong sa pagkakahuli ni Sigovia.