Iba’t ibang kalibre ng baril, mga bala, granada, iligal na droga at uniporme ng pulis ang nakumpiska mula sa isang construction worker nang salakayin ang bahay nito na sinasabing drug den sa Novaliches, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquigel Jr., sinalakay sa bisa ng search warrant ang bahay ng suspek na si Ricky Boy Galario, 36-anyos, sa panulukan ng Guinintuang Landas at Asuncion St., Excess Lot Riverside, Sitio Aguardiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, dakong ala-1:30 ng madaling-araw.

Nakasamsam ang mga operatiba ng pulisya ng mga baril na kalibre 9mm, 1911 Colt caliber .45 pistol, isang granada, isang magazine na naglalaman ng mga bala para sa kalibre .45, pitong sachet ng shabu, walong plastik ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang uniporme ng pulis.

Ayon kay Novaliches Police Station 4 commander Supt. Rossel Cejas, sangkot sa gun smuggling ang suspek kung saan ipinapalit umano nito ng iligal na droga ang mga baril.

Mariin namang itinanggi ng suspek na kanya ang mga nasamsam na baril at hindi rin umano siya nagtutulak ng droga pero inamin nitong gumagamit siya nito.

Tungkol sa nakuha sa kanya na ­uniporme ng pulis, idinahilan ng ­suspek na napulot lamang umano ito ng ­kanyang anak.

Sa kabila ng kanyang pagtanggi ay binitbit sa Novaliches Station 4 ang suspek na mahaharap sa mga kasong illegal possession of dangerous drugs at illegal possession of firearms and ammunition.