Mas magiging madali na ang paghahanap ng trabaho para sa maraming Pilipino, dahil simula ngayong Mayo 1 (Miyerkoles), ang classified ads on TV sa CineMo channel ng ABS-CBN TVplus ay matatagpuan na sa Trabahanap.com website.
Gamit ang Trabahanap.com, magiging mabilis ang paghahanap at pag-a-apply ng trabaho mula sa job listings ng ilang tampok na pribadong kompanya.
Ayon kay ABS-CBN TVplus CineMo channel head Mark Awiten, layunin ng “TrabaHanap” website na magsilbing tulay sa magandang kinabukasan ng mga Pilipino ang bagong job portal.
“Hangad ng CineMo na ang bawat manonood ay may hanapbuhay para maitaguyod ang kanilang pamilya. Ito ang dahilan kung bakit inilunsad namin ang ‘TrabaHanap’ bilang isang website para mas maraming Pilipino pa ang makinabang dito,” ani Awiten.
Unang ipinakilala ang “TrabaHanap” noong 2017 kung saan ipinapalabas sa closing credits ng bawat pelikula na umere sa CineMo channel ng ABS-CBN TVplus ang job listings mula sa DOLE website. Bukod dito, pinapakita rin sa CineMo ang ilang tips sa paghahanap ng trabaho.
“Mapapanood pa rin ng CineMo viewers ang job listings on-air at makikita rin nila ang listahan sa CineMo Facebook page kahit mayroon ng website ang ‘TrabaHanap,’” paglilinaw ni Awiten.
Isa sa maraming CineMo viewers na nakahanap ng hanapbuhay dahil sa TrabaHanap si Regie Alano. Ayon kay Regie, malaking bagay ang TrabaHanap ng CineMo dahil napagtapos niya ang kanyang nakababatang kapatid.
“Nagkaroon po ako ng trabaho sa maintenance dahil sa ‘TrabaHanap.’ Malaki ang naging epekto nu’n sa magulang ko. Napatapos namin ang kapatid kong sumunod sa akin. Malaki talaga ang naitulong sa akin kasi mas naging madali ang paghahanap ko ng trabaho dahil sa CineMo,” kuwento ni Regie.
Isa na ang ‘TrabaHanap’ website ng CineMo sa dumaraming digital properties ng ABS-CBN na hangarin na maging isang ganap na digital company. (RFC)