Nakakadismaya ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni PNP chief Oscar Albayalde dahil sa pagkakasangkot sa drug recycling ng iligal na droga ng mga tinaguriang ‘ninja cops’.

Base sa testimonya ng mga lumutang na testigo sa Senado, may kinalaman si Alba­yalde sa isang drug raid noong 2013 at nakakaladkad ito dahil sa diumano’y pag-hold nito sa dismissal orders laban sa nasangkot na 13 pulis.

Hindi lang si Alba­yalde ang nakakaladkad sa eskandalong ito kundi maging ang PDEA director na dati ring Police General na si General Aaron Aquino, maging ang kaklase ni Albayalde sa PMA Class 86 na si Gen. Amador Corpus dahil din sa hindi pag-iimplementa sa dismissal order sa mga ninja cop.

Hindi lang ang tatlo ang nakakaladkad nga­yon kundi lumutang din ang pangalan ng isa pang kaklase ni Albayalde na si Gen. Ted Carranza na kasalukuyang kumukup­kop sa ilang mataas na opisyal nu’ng dirty 13.

And take note pala, mataas ang puwesto na ibinigay ni Carranza sa ‘ninja cops’ sa Police Region 4A na kanyang balwarte.

Sa paglutang ng pangalan ng matataas na opisyal ng PNP sa kontrobersiya sa ‘ninja cops’ ay lalong lumulutang ang kaibahan sa kanila ng kapo-promote lamang na si dating NCRPO Maj. General Guillermo Eleazar at ngayon ay PNP chief of directorial staff.

Sa totoo lang, mula nang maluklok itong si Gen. Eleazar sa ilang puwesto sa NCR at Mimaropa, wala tayong narinig na hindi maganda sa opisyal na ito kundi pawang pagpapatino sa kapulisan sa hangaring maibalik ang magandang imahe ng PNP.

Katulad na lamang noong sumabog ang isyu sa ‘ninja cops’ subsob lang naman si Gen. Eleazar at dahil sa dedikasyon ay nagbunga ng magandang resulta ang kaniyang pagtatrabaho dahil mahigit 500 dayuhan ang kanilang naaresto dahil walang mga working permit.

Hindi lang ‘yan dahil nagkasundo rin sina Eleazar at Bureau of Corrections (BuCor) Director Ge­neral Gerard Bantag na linisin ang National Bilibid Prison. Ni-raid ng NCRPO at BuCor ang maximum security at kinumpiska ang mga bawal na gamit at kontrabando. Pagtapos ay binuldozer at giniba ang mga buil­ding ng mga VIP. Kaya ngayon ay pantay-pantay na ang mga inmate at malabo nang may maghahari-harian pa.

Kaya malaking tulong talaga sa PNP itong si Gen. Eleazar na bukod sa malinis ang reputasyon ay maga­ling at masipag pang magtrabaho kaya tiwala sa kanyang ang taumbayan.

Paano pa kapag naging PNP chief pa si Gen. Eleazar, tiyak na maraming pasaway na pulis ang ngayon pa lang ay ikot na ang puwet sa nerbiyos.