Nasabi ni Philippine Sports Commission Chairman at Team Pilipinas Chef de Mission William ‘Butch’ Ramirez na wala siya at ang PSB Board Of Commissioners na pakialam sa gusot sa Philippine Olympic Committee.

Basta aniya sila, sa atas nina Pangulong Rodrigo Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea at Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, na magpokus lang sa trabaho para sa paghahanda ng bansa sa ikaapat na pagtataguyod ng 30th Southeast Asian Games 2019 sa parating na Nobyembre 30-Disyem­bre 11.

Sey ni Chairman Ramirez kahit linggo-linggong mag-eleksiyon sa POC, wala silang pakialam. Basta sila kilos lang para sa nalalapit na 11-nation, 12-day sportfest, na mga unang mga ginawa sa bansa nitong 1981, 1991 at 2005.

May punto naman si Chair Butch dahil sa sila nga ang gagastos at nagtatrabaho para ‘di mapahiya ang ‘Pinas at ang sambayanan sa mga makakalaban ng ating mga atleta na Malaysia, Thailand, Singapore, Brunei, Indonesia, Vietnam, Cambodia, Myanmar, Laos at Timor Leste.

May order na rin si Ramirez at PSC Commissioners­ Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez, Fatima Celia Kiran at Arnold Agustin sa may mahigit 1,000 atletang panlaban natin sa SEA Games na maghandang mabuti sa kanilang training at ‘wag paapekto sa nangyayari sa POC.

Sa POC naman, gayung may bago na kayong pa­ngulo, sana ‘wag na kayong pasailalim sa saya ng dating tinitingala ninyong panginoon diyan. Tapos na po ang termino niya.

‘Yan ay kung gusto ninyong maganda ang performance ng Team PH sa SEAG, pati ng inyong sport o inyong mga manlalaro.

***

Paki ng kaklase ko sa Manuel Luis Quezon University sa Quiapo, Maynila na si Arnold Cuento na balik din sa PSC.

Idaraos ang Batch 1979 Gregoria de Jesus Elementary School 1st Grand Reunion 2019 sa GDJES grounds sa Dagupan St., Tondo, Maynila sa darating na Sabado, Setyembre 21.

Para sa iba pang mga detalye, makipag-ugnayan kay Arnold sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila sa pamamagitan ng kanyang mobile 0927 218 7591.