Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na madaliin ang kanilang isinasagawang internal review sa K to 12 program upang masiguro na ang employability ng mga nagtapos sa binagong curriculum ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Bunsod na rin ito sa ulat na mababang employment rate para sa mga nagtapos ng K to 12 dahil mas pabor umano ang mga employer na tumanggap ng mga 4-year course graduate.
Ayon kay Gatchalian, dapat na madaliin ang pagbabago ng curriculum ng K to 12 upang mabigyan ang mga graduate nito ng seguridad sa trabaho na konektado sa kanilang kinuhang strand at upang magkaroon rin aniya ng sapat na panahon ang DepEd na makapag-adjust sa curriculum para sa susunod na school year.
“Dahil nga ang hangarin ng K to 12 ay mas madaling makakuha ng trabaho ang mga graduate nito, kailangan natin i-adjust ‘yong curriculum to prepare graduates for success based on the current and future needs of the labor market,” sabi ni Gatchalian.
Ayon naman kay Director Jocelyn Andaya ng Bureau of Curriculum Development, sa Pebrero 2019 pa nila maiaanunsiyo ang posibilidad na resulta ng pagsusuri habang patuloy pa ang kanilang pag-rebyu sa K to 12 program.
Matatandaang sa special report ng Abante noong Linggo, lumalabas sa panayam sa ilang nagtapos ng senior high school na nahihirapan silang makapasok ng trabaho at kung may mapasukan man ay hindi ito tugma sa kinuha nilang academic strand ng K to 12 program.