Trabaho sa Skyway Connector aprub ng IATF

May basbas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagpapatuloy ng construction ng Skyway Connector sa kahabaan ng EDSA.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos punahin ng ilang sektor ang ginagawang aktibidad gayong mayroong umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Sinabi ng kalihim na may special approval ang IATF sa pagbabalik-trabaho sa konstruksiyon sa EDSA kaya walang kuwestion sa paglabag sa ECQ.

Posible rin aniyang sa mga susunod na araw ay may mga mahahalagang proyektong papayagan ng IATF na magpatuloy at magiging case-to-case basis.

“Iyan po ay may special approval ng IATF, so baka ang mangyari talaga lahat ng proyekto na priority ay baka isa-isahin i-approve ng IATF. Baka nga po hindi masunod iyong nakalagay na guidelines na lahat ay pupuwede na. So, baka maging case to case basis na naman po iyan,” ani Roque.

Sa ilalim ng ECQ, suspendido ang lahat ng trabaho sa konstruksiyon dahil iniiwasan ng gobyerno na madagdagan ang kontaminasyon ng publiko sa coronavirus disease 2019.(Aileen Taliping)