Ipinoporma na ng Los Angeles Lakers ang package na ihahain para makuha si Anthony Davis mula sa New Orleans Pelicans.

Sa ulat ng ESPN, nitong Huwebes, nag-usap na ang executives ng dalawang teams hinggil sa potential deals at uupo muli bago ang trade deadline sa Feb. 7.

Sa kabilang banda, inireport ng Los Angeles Times na nagprisinta na si Lakers President of basketball operations Magic Johnson ng limang trade options kay Pelicans General Manager Dell Demps.

Isa sa opsiyon ay ipapalit kay Davis sina Lonzo Ball, Brandon Ingram, Kyle Kuzma, Ivica Zubac at first-round pick.

Lumabas din ang ulat ilang araw na ang nakakaraan na nabanggit ni Ball na dadaan lang siya sa New Orleans dahil gusto niyang mapunta sa Chicago o New York.

Si Ball ang No. 2 pick noong 2017 NBA Draft at naga-average ng 9.9 points, 5.4 assists at 5.3 rebounds sa loob ng 30 minutes per game ngayong season.

Nakakapagsumite si Ingram, No. 2 overall pick noong 2016, ng 17.1 points per game ngayong season at galing sa career-high 36-point performance kontra Philadelphia noong Martes.