Sinuspinde na ng malalaking bangko ang trading ng peso at US dollar.

Ayon sa Bangk­o Sentral ng Pilipinas (BSP), inabisuhan na ito ng Bankers Association of the Philippines (BAP) na walang transaksyon ng peso at US dollar pati na ang govern­ment securities o ‘yung mga tinatawag na IOU ng pamahalaan.

Ito umano ang kauna-unahang beses na nangyari ang pagsuspinde ng forex trading sa Pilipinas. Hindi ito nangyari noong Asian financial crisis noong 1997, gayundin nang bumulusok ang piso sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, at kahit noong Global Financial Crisis noong 2008/2009.

Mahalaga ang palitan ng piso at dolyar dahil maraming mga tahanan ang umaasa sa padala ng mga overseas Filipino worker (OFW) para buhayin ang kanilang mga pamilya. Ang isang source ng Abante Tonite na magpapalit sana ng pera para magbayad ng housing loan kahapon ay hindi binentahan ng mga bangkong kanyang pinuntahan: ang Bank of the Philippine Islands ng mga Ayala, ang BDO ng mga Sy, ang East West Bank ng mga Gotianun, at ang Union Bank ng mga Aboitiz.

Ang pagsususpinde ng peso-dollar trading ay ginawa matapos ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Durterte ng mas pinalawak at pinahigpit na ‘lockdown’ sa buong Luzon at matapos bigyan ng BSP ng tem­porary relief ang mga bangko tulad ng 60-day grace period sa pagbayad ng mga utang nito sa BSP nang walang penalty charges at restructuring ng mga utang ng kanilang mga kliyente na naka-sanla sa BSP. (Eileen Mencias)