Tradisyon na ‘bawian’ sa PNPA pinatitigil ni Bato

ronald-bato-dela-rosa

Ikinabahala ni Phi­lippine National Police (PNP) Chief Director­ Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa pangyayaring pambubugbog sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA) at nanawagan ito sa school administration na ihinto na ang bayolenteng tradisyon sa loob ng akademya.

Kahapon ay kinumpirma ni Dela Rosa na anim na bagong graduate na PNPA inspector ang isinugod sa pagamutan matapos na bugbugin ang mga ito ng kanilang underclassmen sa akademya pagkatapos ng graduation noong nakaraang Marso 21 sa barracks ng PNPA sa Silang, Cavite.

“Dahil kung hindi na-stop ‘yang tradition na ‘yan, every year ‘yan mangyayari ‘yung tinatawag na bawian,” pahayag ni Dela Rosa sa isinagawang press conference kahapon sa Camp Crame.

Ang mga nasabing kadeteng biktima ay nakilalang sina Police Insps. Ylam Buaquen Lambenecio, Arjay Masangcay Divino, Mark Kevin Rellores Villares, Floyd Quinaquin Traqquena, Jan Paul Dalapus Magmoya at Arjay Marcaida Cuasay, pawang graduate ng PNPA year 2018 Class Maragtas.

Dagdag pa ng PNP chief na inutusan na niya si PNPA President retired police deputy director Gen. Ricardo de Leon na gumawa ng mga hakbangin upang mahinto na ang nasabing tradisyon sa PNPA.

Wala naman umanong kakayahan ang kapulisan na magsagawa ng sariling imbestigasyon dahil ang PNPA ay hindi sumasailalim ng PNP mana­gement subalit dagdag pa ni Dela Rosa na hindi nila pipigilin ang mga magulang ng mga biktimang kadete na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa insidente.