Parang kulang ang selebrasyon ng Pasko kapag hindi nabuo ang siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Ito na ata ang pinakakilalang tradisyon sa Paskong Pinoy.
Mula ngayong araw hanggang bisperas ng Pasko, sinisikap ng marami sa atin na gumising nang maaga para dumalo at makiisa sa Simbang Gabi na karaniwang nagsisimula ng alas-kuwatro nang madaling-araw.
Suwerte kung may anticipated mass ang simbahan na malapit sa inyo. Ilang parokya kasi ang nagdaraos ng Misa de Gallo tuwing alas-otso nang gabi. Kaya hindi ka mapupuyat sa paggising ng madaling-araw.
Naniniwala ang maraming deboto na ‘wish granted’ kapag nabuo ang Simbang Gabi. Dahil 9 days, novena mass din ito. Kanya-kanya tuloy sila ng intensyon at hiling. May nagdarasal para sa kalusugan, matagumpay na kinabukasan at masaganang pamilya.
Kaya kahit busy ang schedule, isinisingit talaga ng maraming Pinoy ang Simbang Gabi.
Hindi lang naman ‘wish granted’ ang habol ng iba sa pakikiisa sa Simbang Gabi. Marami pa rin ang naging bahagi na ito ng kanilang pananampalataya bilang Kristiyano at pasasalamat na rin sa mga biyayang natatamo.
Ang nakalulungkot, tila ginagawa na ring ‘dating place’ ng kabataan ang simbahan. Imbes na taimtim sa pagdarasal, naglalampungan ang mga magkasintahan. PDA o public display of affection pa ang marami kaya nadi-distract sa pagdarasal ang ibang deboto.
Ang iba naman, buong misa na hawak ang cellphone. Bukod sa pagte-text, panay rin ang selfie.
Ang sa akin lang, hindi naman tayo pinagbabawalang dumalo sa Misa de Gallo. Lahat tayo’y welcome sa simbahan. Katunayan, ine-encourage pa ang lahat na makinig at magpalaganap ng Salita ng Diyos. Importante lang na huwag kalimutan ang pakay ng pagsisimba. Iayon din ang kilos at galaw sa ating kinaroroonan.