Tradisyong Pinoy tuwing Halloween

julius-segovia

Abala na naman sina Mommy at Daddy sa pagpili ng magarbong costume na gagamitin ng kanilang mga chiki­ting ngayong darating na Halloween.

Saan nga ba nagsi­mula ang tradisyong ito?

Base sa Merriam-Webster’s Encyclopedia of World Religious, ang sa­litang Halloween ay tinatawag ding All Hallow’s Eve na ang ibig sabihi’y holy o hollowed evening na ginugunita tuwing October 31 ng gabi bago mag-All Saints’ Day o Todos Los Santos.

Nagsimula raw ito sa Britanya at ilan pang mga karatig-bansa sa Europa. Sa tinatawag na ‘end of summer’, naniniwala silang ito ang nagiging ugnayan ng mundo ng mga tao at ng mga espiritu.

Dahil sa kanilang paniniwala at tradisyon, lumaganap din ito sa iba’t ibang panig ng mundo maging dito sa ating bansa.
Tuwing Halloween, may kanya-kanyang pakulo at mga aktibidad na puwedeng gawin tulad ng ‘trick or treat’ na siguradong magugustuhan lalo ng mga bata dahil puwede silang magbihis ng paborito nilang fictional characters.

Pero paalala ni Rev. Fr. Daniel Estacio, iti­gil na ang kulturang ito partikular ang pagbibihis ng mga nakakatakot na costume gaya ng bampira, aswang, manananggal at iba pang masasamang elemento. Mas mabuting gawin itong oportunida d para magbigay ng katekismo tungkol sa mga santo ng simbahang katolika.

Dagdag pa niya, imbes na nakakatakot na costume ang gamitin – costume na lang ng mga santo ang ipasuot sa inyong mga chikiting.
Halimbawa, ang Dio­cesan Shrine of Saint Augustine sa Tanza, Cavite, hinihikayat ang mga kabataan na magdamit tulad ng mga santo at ga­wing tradisyon ang Parade of Saints na taunang isinasagawa tuwing Undas.

Ang sa akin lang, kailangang maging mapanuri ang mga magulang sa mga sasalihang aktibidad ng mga anak ngayong Undas. Huwag basta dadamitan ang inyong mga anak ng nakakatakot na costume. Marami namang puwedeng pagpilian tulad ng damit ng mga santo at ilang fictional cha­racters. (With inputs from Kevin Patrick Sayaman)