Traffic Enforcer kinaladkad ng SUV

Nasugatan ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos kaladkarin ng sinisita niyang SUV driver kahapon ng umaga sa kanto ng Laong-Laan St., Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ng MTPB ang biktimang si Adrian Lim.

Sa kuha ng CCTV, alas-nuwebe ng umaga nang makitang nakasabit at kinakaladkad ang biktima sa umaandar na Mitsubishi Xpander sa Gelinos Street, malapit sa kanto ng Laong-Laan Street.

Nabatid na nakabangga pa ng nakaparadang sasakyan ang SUV, na minamaneho ng suspek na si Orlando Ricardo Jr.

Nakatakas ang suspek pero kalaunan ay nahuli rin sa Batasan Hills, Quezon City.

Nilalapatan naman ng paunang lunas ng Philippine Red Cross (PRC) ang enforcer na ngayon ay nagpapagaling na sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.

Iniimbestigahan na sa MTPB kung ano ang violation at kung ano ang dahilan ng pagtatalo ng suspek.

Si Ricardo ay nahaharap sa kasong seriousĀ­ physical injury at hit-and-run. (Juliet de Loza-Cudia)