Nahaharap sa kasong robbery extortion ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos umanong mangotong ng P1,000 mula sa isang ginang na nahuli nito sa traffic violation noong Biyernes sa Ermita, Maynila.
Binitbit ang suspek na si Dave Arren Arbolado, 42-anyos, residente ng 1354-C Burgos St., Paco, Maynila, sa Manila Police District (MPD)-Police Station 5 dahil sa reklamo ng biktimang si Zarrina Benites, 51-anyos, self-employed at residente ng 1748 Mayon St., Maynila.
Ayon kay Benites, naganap ang pangongotong sa kanya ng suspek dakong alas-3:30 ng hapon noong Setyembre 7, 2018 sa kanto ng Taft Avenue at T.M. Kalaw St., Ermita.
Nabatid na minamaneho ng complainant ang kanyang Mitsubishi Mirage C4 na may conduction sticker na BI-729, kasama ang kanyang pamilya, nang sitahin siya ng suspek habang bumibiyahe sa T.M. Kalaw St., patawid sa Taft Avenue, matapos na mapansing ang kanyang apat na taong gulang na anak ay nakapuwesto sa harapan ng sasakyan.
Sinubukan umano ng complainant na makiusap sa suspek subalit hiningan umano siya ng P1,500 at dahil walang pera ay nakiusap ito na P500 na lang subalit hindi pumayag ang enforcer hanggang sa magbigay siya ng P1,000. Nang maibigay ang pera ay saka lamang pinayagan ng suspek na makaalis ang complainant.
Dito na nagpasya si Benites na magsumbong sa tanggapan ng MTPB sa Manila City Hall, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.