Sugatan ang isang miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos mabaril ng isang pulis-Maynila na sinasabing kanyang sinuntok kamakalawa nang hatinggabi sa Tondo, Manila.
Nasa maayos nang kondisyon ang traffic enforcer na si Abraham Nuqui Y Figueroa, 54, ng 1838 Biak na Bato St., Tondo matapos tamaan ng bala sa balikat.
Isinailalim naman sa interogasyon si SPO1 Michael Pastor y Agunat, may ka-live in, nakatalaga sa MPD-General Assignment Investigation Section at taga-604 Tagaytay St., Caloocan City.
Sa imbestigasyon ng MPD-Police Station 2, ika-11:18 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa tapat umano ng bahay ni Chairman Rolando Del Rosario, 43, ng Brgy. 249, Zone 23, Biak na Bato St., Tondo.
Iisa ang statement ni Chairman Del Rosario at pamangkin na si Jessa Del Rosario, nang imbestigahan ng pulisya.
Ayon kay Chairman Del Rosario, nakita nito ang pag-aaway ni SPO1 Pastor at Nuqui at nakita rin nito na pinagsusuntok ang pulis kaya dinepensahan ang sarili. Kahit nakahiga na sa semento ay nagawa nitong barilin sa kaliwang balikat ang biktima.
Kahit naman umano sugatan si Nuqui, tinangka pa nitong sugurin si SPO1 Pastor pero naawat sila ng ilang barangay official sa lugar.
Sa salaysay ni SPO1 Pastor, sakay siya ng motorsiklo papuntang MPD-GAIS upang magsagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation nang mapadaan siya sa lugar.
Dito na umano siya hinarang ni Nuqui at sinabihan siyang “put.. ina mo hindi mo ba ako kilala”.
Bagama’t inaawat na ay itinuloy pa rin umano ni Nuqui ang pag-atake sa nasabing pulis na nauwi sa pagbaril sa kanya. (Juliet de Loza-Cudia)