Traffic Management Office pinasabog sa Cotabato

Masusing imbestigasyon ang isinagawa ng Catobato City Police kaugnay sa pagpapasabog sa opisina ng Traffic Management Office ng Cotabato City kamakalawa ng gabi.

Sa report ng Explosive and Ordinance Disposal Unit ng Cotabato City Police sa Camp Crame, bandang alas-siyete ng gabi nang maganap ang pagsabog sa bubong ng nasabing opisina sa Barangay Poblacion 5 na katabi lamang ng police station na maraming nakakulong na inarestong drug pusher at user.

Gayunman wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing pagsabog.

Ayon kay Sr. Supt. Raul Supiter, ng Cotabato City Police, malaki ang teorya nilang may kinalaman sa kampanya ng pulisya kontra iligal na droga ang naturang insidente.

Matapos ang pagsabog ay nagsagawa naman ng inspeksyon ang pulisya sa nasabing police station at nakakumpiska ng ilang drug paraphernalia, cellphones, lighters at DVD player.