Target ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Traffic Czar Bong Nebrija na mas pabilisin ng 20 kilometro kada oras ang biyahe ng mga motorista sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) pagkatapos ng Kapaskuhan.
Ayon kay Nebrija, optimistic siya na maisakatuparan niya ito, subalit sa ngayon ay hindi niya ito magagawa dahil sa panahon ng Kapaskuhan, ngunit anumang oras ay mangyayari aniya ito.
Hindi nawawalan ng pag-asa si Nebrija at naniniwala siyang mareresolba ang matinding trapik sa Metro Manila lalo na sa EDSA kung saan kailangang maghigpit sa pagdidisiplina sa mga motorista.
Isa aniya sa pangit na pag-uugali ng motorista sa kalsada ay ang pagbabalewala ng mga ito sa traffic signs at batas trapiko na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lalong sumasama ang sistema sa trapiko sa EDSA.
Kaya’t inatasan niya ang mga opisyal ng MMDA metrobase, na higit na paigtingin ang pagpapatupad ng ‘no contact apprehension’ at ‘physical arrest’ laban sa sinumang violator.
Karamihan aniya sa mga nahuhuling violators ay ang mga bus na lumalabag sa MMDA’s yellow lanes, hindi pagsunod sa designated drop off at pick-up points at ang closed-door policy.