Kagimbal-gimbal na kamatayan ang sinapit ng isang Chinese national na pa-check-out na sa isang condominium unit sa Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City nang matagpuang lasug-lasog ang katawan nito matapos na bumulusok mula sa ika-siyam na palapag ng tinuluyang kuwarto kamakalawa ng madaling-araw.
Base sa imbestigasyon ng Mandaluyong Police na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director chief Supt. Romulo Sapitula kahapon, alas-5:35 ng madaling-araw kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng biktimang kinilalang si Ge Zhang, 37-anyos, isang Chinese national at pansamantalang nanunuluyan sa 9th floor Tower A ng BSA Twin tower na matatagpuan sa Bank Driver, Barangay Wack-wack ng nabatid na lungsod.
Ang biktima na isang turista ay sinasabing umupa sa naturang gusali upang doon manuluyan habang nananatili sa bansa.
Kamakalawa, nakatakda na umanong mag-check out ang biktima kaya pinuntahan ito sa kanyang kuwarto ng room attendant na si Josefino Martinez, ngunit hindi ito matagpuan sa loob ng unit.
Laking gulat na lamang ng mga tauhan ng tower nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa garden basement ng gusali na wala ng buhay at halos lasug-lasog ang buto sa katawan.
Teorya ng pulisya, posible umanong tumalon ang biktima mula sa bintana ng ika-siyam na palapag ng gusali na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. Gayunman ay inaalam pa nila ang posibleng motibo sa pagpapatiwakal at hindi pa rin umano iniaalis ng pulisya ang posibilidad na may foul play sa insidente kaya patuloy pa rin nila itong iniimbestigahan.