Inaasahang magiging mainit na usapin sa 2019 elections ay ang ipinataw na bagong buwis sa bansa partikular ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Bukambibig ngayon ng publiko lalo na ng masang Filipino ang epekto ng TRAIN Law dahil sa pagtaas ng bilihin sa bansa.
Bukod sa pangunahing bilihin ay walang humpay din ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Asahan din ang pagtataas sa singil sa pasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Pero batay sa paliwanag ng Department of Finance (DOF) ay mayroon talagang epekto ang TRAIN Law sa presyo ng mga pangunahing bilihin pero maliit lang daw at hindi totoong ang nasabing batas sa pagbubuwis ang dahilan ng lahat ng paghihirap ng publiko.
Hindi naman lubos na maunawaan ng masang Filipino ang sinasabi ng DOF na maliit lang ang epekto ng TRAIN Law sa mga bilihin, serbisyo at produktong petrolyo.
Bukambibig kasi ng mga negosyante na tumaas ang presyo ng bilihin ay dahil sa TRAIN Law.
May nagtaas din ng matrikula, at iba pang serbisyo na ang dahilan ay TRAIN Law.
Kapag namili ka sa palengke ay madidinig din natin mismo sa mga tindera na may TRAIN Law kasi kaya mataas ang presyo ng bilihin.
Dahil dito ay inaasahang magiging isyu sa eleksiyon sa bansa sa susunod na taon ang TRAIN Law lalo pa’t karamihan sa mga botante ay sapul ng nasabing pagbubuwis at umaangal sa mataas na bilihin at lalong kahirapan ng buhay sa Pilipinas.
Tingnan nga natin kung mananaig ba ang popularidad ni Pangulong Duterte sa kanyang ieendorsong mga kandidato mula sa lokal hanggang sa mga senador at ipagsasawalang kibo na lang ng mga botante ang kumakalam nilang sikmura dahil sa gutom at hirap ng buhay.