Umabot sa 34 ang nasaktan at nasugatan na karamihan ay mga pasahero matapos magbanggaan ang isang trailer truck at pampasaherong bus kamakalawa ng gabi sa kanto ng San Marcelino at Remedios Sts., Malate, Maynila.

Ayon sa Philippine Red Cross (PRC), 28 sa naturang bilang ang dinala sa Ospital ng Maynila, ­Philippine General Hospital at Manila Doctors Hospital.

Nabatid kay Nelson Natividad, team leader ng Red Cross-Manila Chapter, na ang mga biktima ay pawang nagtamo ng mga minor injury.

Nalaman na pasado ala-una ng madaling-araw nang matanggal ang mga debris sa salpukan ng trailer truck at pampasaherong bus na patagilid na bumagsak dahil sa lakas ng banggaan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), mula Lawton patungong Cavite ang Kersteen Joyce na minamaneho ni Joseph Mojica, may body number 6888 at plakang DXG-860 nang masalpok ng isang trailer truck na may plakang DUD-688 na minamaneho naman ni Noli Mendoza.

Galing eastbound lane ang bus at patawid ng San Marcelino Street nang mabangga ng trailer truck ang likurang bahagi nito dahilan para tumagilid ito.

Nasa kustodiya ng pulisya ang mga driver ng truck at bus.

Ayon naman sa Manila Police District-Police Station 5, alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente na nagdulot ng matinding traffic sa lugar.