Trak na may P6M produkto sinunog sa Bukidnon

Tinutugis ng mga awtoridad ang tatlong armadong kalalakihan na nanunog sa isang truck na umano’y nagkakahalaga ng P6M sa isang lugar sa Bukidnon.

Base sa inisyal na report na nakalap ng Philippine Army (PA) nangyari ang pagsunog nitong Agosto 11, dakong alas-6:30 ng gabi sa Del Monte Plantation sa Impasug-ong, Bukidnon.

Sinasabing ang nasabing truck ay minamaneho ng isang itinago lang sa pangalan Arnel at nilalakbay nito ang bisinidad ng nasabing plantasyon nang harangin ng tatlong armadong mga kalalakihan at tinutukan ng baril at sapilitang pinababa sa minamaneho nitong truck.

Base sa umano’y naging pahayag sa mga awtoridad ni alyas Arnel, matapos siyang tutukan ng baril ay sapilitang siyang pinababa sa truck at mabilis umanong binuhusan ng gasolina ang nasabing truck ng mga armadong kalalakihan bago sinilaban.